h1

Lupa

July 24, 2008

(2003)

Ako ang lupa, ako ang biyaya

ako at ang lupa ay kanyang pinagpala

iisang pinagmulan at ang patutunguhan

iisa ang pusod ng ating kasaysayan.

Lupa akong tigang na sa’yong pawis ay matitinag

hahagurin hanggang sa tuluyang matibag

papawiin yaring uhaw sa buhos ng ulan

siyang magpupunla sa aking sinapupunan.

Kasuyo ang ulap, hinahagkan ng araw

nakatanod sa buwan, bitwi’y nakatanaw.

kukumutan ng hangin, sila ang aking kasiping,

babatiin ng hamog mula sa pagkakahimbing.

Butil ay gigising, tatalupan ang katawan,

sisisirin ang lupa’t uusbong paibabaw

pipiglas ang punla sa hanging nagbabadya

sa kanya’y titingala’t mananambit ng pagpapala.

Ang bunga ng bunga ko’y akin na ring bunga

ang ugat ng bunga ko’y ang kanyang ibubunga

sapagkat ang binhi ay binhi magpakailanman

pinausbong man ng panahon ay iisa ang katawan.

Ako at ang tao ay pinagniig ng kalikasan

ako at ang lupa sa isang hibla nananahan.

ang lupa ay ang tao, ang tao ay ang lupa,

magkayapos, magkasuyo sa piging ni Bathala.

h1

Third Eye

July 21, 2008

Tinatanong nila ako kung meron ba akong third eye, ang totoo, meron. Bata pa ako nung nadiskubre ko ito.

Di tulad ng ibang bata, hindi naging ordinaryo ang buhay ko. Gigising ng maaga, pag hindi bumangon ay mapipilitan sa palo. Kailangan kong magpa-igib ng tubig. Kailangan kong maglakad sa riles patungo sa patubigan. Ito ang bumuhay sa amin. Lahat kami - dumaan sa pagpapaigib ng tubig. Lahat din kami - napalo.
Pag-uwi naman, mabilis na maliligo dahil may pasok. Kung panghapon  ako ay madalas ala una y medya ang pasok. Kung pang-umaga naman ay ala sais. Kapag umaga ang pasok ko ay sa hapon ako nagpapaigib ng tubig.
Ilang taon yun. Iniisip ko kung kailan ako gagraduate sa trabahong ganun. Nasasayangan ako sa oras. Sa paglalakad sa riles patungo sa paigiban. Sayang ang oras na nakaupo ako sa bintana at nagbubukas ng gripo para sa mga sasahod. Naiinip ako sa buhay ng pagbubukas ng gripo - pagsahod ng barya.
Iba’t-ibang klase ng tao. May mababait pero mas maraming salbahe. Ayaw magbayad, bastos ang bibig, madalas ang away at suntukan, habulan, hampasan ng pingga.
Minsan ay naglalakad ako sa riles pauwi - tirik ang araw. Naisipan kong bilangin ang mga kahoy na kinapapatungan ng riles. Minsan naman ay mismong tren ang binibilang ko kung ilan ang magdaraan sa maghapon. Iyon ang pampatay oras ko.
Doon ko nakilala ang hirap. Siguro dahil sa karanasan na iyon ko nakilala ang pangarap.
Sa t’wing kukurap ako sa pagdaan ng tren, sa pagkakapuwing, parang ayaw ko ng dumilat. Minsan pumikit ako, lumiwanag ang paligid. Sa pagpikit kong iyon, nagbago ang paligid ko. Hanggang sa hinanap ko ang pangitaing iyon.
Natutunan ko ring makita iyon kahit nakadilat. May nakikita ako na hindi nakikita ng mata. May daigdig na buhay na buhay sa akin, kaya ko ng palitan ang lungkot at pagkainip, natutunan kong ipinta at tumigil sa mundong nagbibigay ng lihim na kasiyahan sa akin sa kabila ng daigdig na nakikita ng mata ko.
Pinagaan nito ang buhay sa akin. Pinakilala nito ang langit. Dito may katahimikan - payapa. Doon hindi hinihingi ang katarungan dahil nananaig ito. Sa daigdig na iyon ko natatagpuan ang langit.

Ito ang third eye. Madalas, mas totoo ang interpretasyon nito sa paligid, pinakikita nito ang tinatagong lihim na hindi napapansin ng aking mga mata. Dito ako sumasangguni kung nararamdaman kong hindi totoo ang mga tao sa paligid. Ito ang gabay ko.

h1

sa pagitan ng kawalang katiyakang relasyon

July 4, 2008

Hindi naman maikakaila na sa twing makikita kita, daraan ka, maaamoy ko ang pabangong nakasanayan ko mula sayo ay muling manunumbalik ang sandaling pinagsamahan natin. Noon na kasama pa kita, na malambing tayo sa isa’t-isa. Yun bang inaalala natin ang bawat isa, ang kapakanan mo. Hindi matatapos ang umaga, tanghali at gabi ng hindi kita tinitext kung nakakain ka na. Kung nakauwi ka na o magsasabay ba tayo pauwi. Kung tatambay muna tayo para magkape kung walang magandang palabas sa sinehan.

Kahit wala na tayo pwede mo pa rin naman akong tawagan o itext sakaling nalulungkot ka. Ako pa rin ‘to. Baka naman pwede tayong maging magkaibigan? Hindi naman siguro ibig sabihin nito ay hindi na tayo magpapansinan. Lalong hindi tayo pwedeng mag-iwasan. Maliit lang ang mundo at lalong pinaliliit ito ng tadhana sa mga taong nag-iiwasan. Alam kong hindi ka handang makita ako,
pero sakaling mangyari yun, sakaling makita kong umiwas ka ng tingin kung magkrus ang landas natin, igagalang ko iyon at hindi rin ako magtatangkang tawagin ka. Igagalang ko ang space na kailangan at hinihingi mo.

Sana lang sa pag-iisa o pag-iisip mo, manatili ang respeto natin sa isa’t-isa. Igalang natin ang mga taong nagmahal sa atin. Wala silang kasalanan sa mga pinili nating desisyon.

Hindi ko na ipagtatanggol ang sarili ko. Hiling lang na huwag nating saktan at lalong pahirapan ang mga sarili natin. Totoong masakit ang mga nangyari at mahirap ang sitwasyong kinalalagyan natin, pero sana maunawaan mo ring pareho tayong nasasaktan. pareho tayong nahihirapan at nag aadjust.

Anuman ang desisyon natin, maging tayo man ulit o tuluyang magpaalam, pangako kong wala akong sasabihing masasakit tungkol sa iyo, na ang alaala mo ay mananatiling alaala ng pagmamahal gaya ng mga ginawa at ininvest natin.

Alam ko kakayanin mo rin gaya ng pagkaya ko, kahit masakit.

Kung sakali naman na handa ka ng makinig sa mga paliwanag ko at pag usapan kung anong nangyari, sabihin mo lang, subukan nating pag-usapan.

Ngunit kung magdesisyon kang tuluyan ng hindian ang pagkakataong ayusin ito, iginagalang ko iyon.

Ingat ka at sa huling sandali, hayaan mong sabihin kong minahal kita.

h1

Celebration of Life

July 1, 2008

At last, nakakita na naman ako ng sandali para mag update, magsulat at buuin ang nasa sa isip ko. Bihira ito mangyari, madaling mag-isip at magsulat subalit mahirap maghanap ng oras. Marahil sa sobrang kaabalahan. Gusto kong magsulat ng positibo sa pagkakataong ito. Yun bang celebration ang feeling. Magaan.

Customer Service

Mga munting sandali, hindi inaasahan pero nagbibigay kasiyahan.

Bakit lumilipat ang kliyente : 15% dahil may nakitang mas magandang produkto at 15% dahil may nakitang mas mura. Sa madaling salita, kung susumahin, ang 30% ay tungkol sa produkto. 20% naman ay dahil hindi nabigyan ng atensyon at 49% dahil hindi maganda ang naranasan sa nagbenta. In short, 69% ay may kinalaman sa serbisyo at hindi dahil sa produkto. (customer focus research study forum corporation)

Sa kabuuan, ibig sabihin lang ay ang isyu ay wala sa produkto bagkus sa serbisyo. Kilala ito sa tinatawag na Service Economy.

Naisip kong isulat ang mga kumpanyang nakaranas ako ng hindi maganda subalit naisip kong isulat na lang ang mga kumpanya na masaya ako. Gayundin,dinagdag ko ang mga bagay na nagpapasaya sa akin ngayon.

Sun cellular - Hindi ako madalas makapagbayad on time. Madalas ay may mga text messages na ako, paalala na magbayad na. Pagpumupunta ako sa service station nila, lagi akong umuuwing nakangiti. Pakiramdam mo nakamenos ako. Ang isang libo ko, may sukli pa! Kahit Ilang tawag na ang ginawa ko - madalas sa ibang network pa. Mura na, gamit na gamit pa sa opisina.

Eastwest and HSBC - di tulad ng ibang credit card, hindi ko nararanasang maharass. Maayos makipag-usap ang mga agent. Hindi rin nakakabigla ang interes. Marunong gumamit ng salita.

Pizzahut Bistro - dahil nga pizza and pasta person kami, astig na tambayan ‘to. Samahan pa ng wine. Swak sa food choices namin, hindi rin butas sa bulsa pagbayaran na.

Fitness First - From 28% body fats na kailangan kong i-lowerdown sa 17%, in just 1 month nag 17.2% ako kahit nakadesign ang training ko sa 2 months. Astig sa customer service, medyo makulit nga lang dahil sa mga calls na marereceive mo para sa training schedule, atleast mararamdaman mo ang sincerity nila - kahit pwede ng pigain ang damit mo sa pawis, uuwi kang nakangiti at umaalingawngaw sa tenga mo ang mga katangang start your healthy living today!

Sunday programming - I love watching tv pag Sunday. Kapamilya po ako. Sa morning, marathon ng myx. Then shift sa National geographic, balik agad sa ASAP then go to gym, eat out, tambay sa powerbooks baka may public forum ulit then balik sa bahay to watch rated K - I lovit, okay yung concept ng pagiging thematic. PDA. Napapaaga ang uwi ko dahil sa PDA. Fraustrated singer kasi ako, hindi lang halata. Actually pag napakinggan mo, mahahalata mong fraustrated. Then Sharon, kung okay ang topic, very short pero inspiring naman - News, Sundays Best at syempre Urban Zone. Marathon talaga!

Human Resource - may mga taong magaan ang loob mo. May mga department na dependable. Before medyo isolated ang office namin kaya bihira kaming maki- mingle sa ibang department pero ngayon na bagong building, unti-unti ay bumubukas ang aming mundo. Consistent na maganda nag impression ko sa Project Dev. - Intelligent people and very passionate - no sugarcoating, all FF. Okay rin ang HR, syempre compensation and benefit, madaling lapitan, madaling magprocess… ika nga - may puso lalo na sa oras ng pangangailangan hehehe. Customer care, astig ‘to, isang department na ang trabaho ay mangalaga sa kapakan ng mga client. Totoong may care bears! Astig di ba? Sales Admin / Support, maingay, humble, no pretentious, maligalig at masaya! Marketing Research - importante sa amin ang mga inputs nila. Nakakaexcite sa t’wing ay bagong datos. Alam mong may basis, pinaghirapan at pinagpuyatan Ganun din, very generous sa datos. International and Broker Coordinators, manalo matalo - team pa rin kami! Marami pang department na astig, nagkataon lang na ang mga nabanggit ko ang lagi naming kasama. Astig talaga ang mga FF - for the firm.

Wine - weird di ba, pero iba ‘to. Alcoholic in training ata ako. Kapalit ng beer, napapangiti ako sa wine. Walang tama,malinis, healthy - perfect! Sa lahat ng nagbigay ng wine nung birthday ko - Big Thank You!

Ipod shuffle - small gadget pero cant live without it lalo na kung tinatapos ko ang assignment ko sa gym. Hindi ko naiinda ang pagod sa pagbuno ng 600-800kcal in 1 hour sa twing nakikinig ako ng music ni Yanni, Josh Groban, Bert Nievera, the Company, at mga Bossa n’ Beatles, Bossa n’ Marley, Bossa n’Rosses

Multitasking / project-oriented work - sa loob ng isang lingo, 5 activities ang kailangan naming matapos. Halos araw-araw except nung Wednesday. Gayunman naging successful naman halos lahat. Astig ang team namin. Modesty aside, very creative, resourceful, dynamic, talented, and focused. Hindi ko naman inabuso ang phrase na modesty aside. 5 lang kami sa department kaya nakakatuwang nagagawa namin ang lahat ng ito. Yun nga lang, sa sobrang kaabalahan ay may mga gawain na hindi ko na naaalala. Tulad ng pagbablog at alalahanin na birthday ko pala.

Something Serious (but still positive, I hope)

Mas naging abala kami sa kakaisip kung paano mapapabuti ang kalidad ng aming serbisyo. Gaya ng ilang kumpanya at karanasan ng iba, wala naman talagang perpektong grupo. Sabi ni Rom Zemke, quality is what the customer says it is. PERIOD. Masaklap pero yun ang ideya niya.

May mga internal client kami - ito yung mga hindi namin direktang kliyente, sila ang aming mga business partners, sellers, even employees etc. Ang mga sellers bagamat hindi tuwirang empleyado ay pinapahalagan ng kumpanya dahil sa kanilang kontribusyon. Walang mas mababa at walang nakatataas maging empleyado man o mga sellers. Wala dapat makaranas na second rate sila o discriminated.

May mga bulong na ika nga ay bulung-bulungan subalit maingay pa sa hiyaw. Umaalingawngaw, naririnig, walang pumanpansin hanggang sa sumabog at kumalat gamit ang technology ng email. Hindi naging maganda ang paraan; narinig, pinaniwalaan, hinusgahan, binalewala, kinatakutan, naging source ng entertainment at kung anu-ano pa. Ano man ang motibo, mamahiya ba ng tao o departamento o sadyang helpless at desperado, walang makapagsasabi. Kung may nakuha man siya - ito ay yung kahit papaano ay napakinggan siya

Nag-aabang ang ilan. Whats next? Kung ako ang tatanungin, sa point of view ng isang trainer - isa itong datos na magagamit bilang training needs analysis. May nasaktan kaya may umaray. Hindi ko sinasabing tama. Ang totoo, sa tingin ko ay mali ang paraan. Sana nilagay sa tamang forum.

Next - isang text ang natanggap ko. May kumakalat na naman na email, nakaaddress daw sa akin. Aaminin ko, kinabahan ako kung ako naman ang nirereklamo. Nung mabasa ko, weird. Hindi ako ang nirereklamo. Hindi ko rin pangalan ang nasa address, nagkataon lang na parang ako at sa akin iyon. Sigh.gayunman, hindi ko nababasa ang sinasabi niya bagkus may nababasa akong iba. Sinasang-ayunan niya ang unang sulat subalit sadyang may-iba, hindi ko maramdaman ang damdamin. Walang lalim. Parang inuugnay nya ako at tama nga ang hinala ko nang may makausap ako, pinagdududahan pala ako ng ilan na may kinalaman sa pagpapalabas ng mga hinaing na iyon. Kakaiba. Parang nagbabasa ako ng iskrip. Kung iskrip man ito, hindi maganda ang plot. Oh well, willing naman akong magbigay ng lecture on how to create a good plot. Yun bang mala-deconstructivist ang approach. Hindi obvious at hindi madaling mahuli.

Masyado na akong nag-iisip at nalilimutan kong nagdaan pala ang birthday ko at until now ay wala akong birthday wish. Gaya ng sinabi ko sa mga blog ko dati, ang birthday wish ko laging nagkakatotoo!

Paano ako magwiwish at magcecelebrate kung ang dami ko ngang ginagawa. Sa dami niyon, isang pangyayari ang nagmarka nung linggong iyon.

Justice.

Marami ng umaaray at marami ng nasasaktan. May nagsalita, may nakinig subalit walang gumawa o kumilos.

Sinubukan rin akong saktan ngunit hindi ako masyadong naapektuhan. Madali akong makabasa, marunong akong tumingin, nakasaliw ako sa galaw ng hangin. Sadyang hindi nababalutan ng palamuti, ng pera at pangalan ang kakulangan sa sarili - ang insecurities. Patatabain kalang ng pera pero hindi ng respeto, totoong kaibigan, at lalong hindi ng kaligtasan. Hinihintay lang nila ang araw mo at iiwan ka rin nila. Iyan ang kulturang nilikha mo at iyan ang gagamitin nila sa iyo. Natakot ako hindi dahil sa sakit na magagawa sa akin bagkus dahil sa nakaambang balik sa nagtangka nito. Naipon na. Lahat ng maliliit na sakit, mga injustices na isinisigaw ng mga munting taong ginamit at nilamangan; anu’t nagkumpul-kumpol at unti-unti sasaboy sa iyo. Walang masamang espiritu, lahat ng iyon, nagmula sa iyo… nilikha ng pagiging ganid. Ang masakit, yung maranasan ang lahat ng iyon unti-unti habang pinapaalala nito ang kasakiman at kasamaang ginawa mo sa kapwa mo, ang sakit na iindahin mo at pagkabagabag kung mapapakinggan ka pa ba o mapapatawad ng mga taong kinasangkapan at niloko mo - sa pagitan ng purgatoryo at impyerno. Malapit na iyon.

Om Shanti - damhin mo.

Mane Thecel Phares.

Ang buhay parang soap opera…. ang drama!

h1

Ms. Conceited

June 25, 2008

Una ko siyang nakilala sa pahayagan namin. Hindi siya adviser o patnugot, usap-usapan lang na siya ang tinutukoy sa blind item na tumutuligsa sa sinasabing pagpa-powertrip niya sa klase. Siya lang ang magaling, lagi niyang binibida ang mga karangalang nakuha niya noong siya ay nasa kolehiyo pa at noong simulang hawakan niya ang aming pahayagan. Ngayong hindi na siya ang adviser, pana’y pukol ng masasakit na salita at paninira, wala raw kaming alam, pinasok na raw kami ng makakaliwang grupo, sinasayang raw namin ang aming oras at talino kung meron man daw kami noon. Nagpapagamit lang daw kami. Lahat ng iyan lagi niyang nilelecture sa klase niya. Kaya nga ngayon lang ako kinabahan ng ganito nang makita kong siya ang magiging guro ko.

Last subject ko na’to, ang totoo, twice ko ng kinukuha ang subject na’to. Bumagsak ako noong una at minsan lang nila inooffer ito. Isang beses sa isang taon. Ayoko nang umulit at mag stay pa ng isang taon kaya pagtyatyagaan ko na lang.

Magaling siya, hindi ko makakaila yun, madalas nga, sa pagitan naming dalawa, siya ang kinakampihan ng mga kaklase ko. Hindi naman ako nakikipagcompete sa kanya pero sa sobrang bias niya, madalas ay hindi na totoo ang mga akusasyon niya at dahil nga mahusay siyang magsalita, madali siyang paniwalaan.

Infairness, hindi niya ako masyadong pinatatamaan. Alam kong alam niyang nasa pahayagan ako pero alam niya ring ang madalas kong sinusulat ay mga tula at hindi yaong mga patama sa pamahalaan o sa pamunuaan ng aming paaralan.

Masarap siyang pagmasdan, masarap siyang pakinggan. May tama, may lalim, sa twing magsasalita siya, unti-unti ay nabubuo sa aking imahinasyon ang kanyang pagkatao; kung saan siya nanggaling, ang kwento ng kanyang buhay at mga sakit na dinanas niya.

Matapang siya, nagulat nga ako ng malaman kong aktibista rin pala siya noong una. Nakakapagtaka lang at ang lahat ng kanyang dating pinaniwalaan ay hindi tugma sa kanyang buhay sa kasalukuyan.

Noong una, inisip ko na kinain na siya ng sistema. Subalit ngayon, napag-isip-isip ako.

Ang mga istratehiya nila noong araw sa pakikibaka, ang tradisyong iyon na dinanas o dinaraan ng bawat mag-aaral sa kolehiyo ay unti-unti rin palang nawawala. Nagbabago pala ang pananaw at mga pinapahalagahan.

Ang mundo na gusto kong baguhin noon ay ibang-iba sa mundo ko ngayon. Ang mundo ko ay lumiit sa mga direktang tao na araw-araw kong nakakasalamuha. Mga munting problemang sinasagot ko at sinusolusyonan nang hindi kailangan ng pagsigaw, pagmartsa at paghahunger strike.

Nasa mundo ako na ang solusyon ay nakukuha sa pag-uusap, paglalahad ng datos, ng mga pananaliksik kasama ng karanasan at hindi puro karanasana t emosyon lamang.

Nagpacheck up ako dahil sa cyst na nakita ko sa likod ko. Sa corridor ng ospital, nakita ko siyang nasa wheelchair. Tuyot na tuyot ang mga buhok; puti at dinalaw na ng katandaan. Ang kanyang balat ay gayon rin, waring nagdanas ng hirap. Malalim ang mata subalit matalim pa rin. Napatingin siya sa akin. Nagkatitigan kami. Hindi ko alam kung nangingilala subalit tila nga nakilala niya ako. Isang malamlam na ngiti ang pinukol niya.

Naalala ko ang kanyang tapang, galing sa pananalita at tibay ng loob batay sa kanyang mga kwento. Alam kong kaya niyang labanan ang sakit na iyon. Fighter si Maam, gayunman, sapat na rin siguro ang panahong iyon upang patunayan niyang hindi siya nagkulang bilang guro, ngayon ko siya mas naiintindihan - ginagalang ko ang mga pinaniwalaan niya.

h1

Tahan na

June 18, 2008

Doon siya lumaki, natuto at nagdalaga. Bagamat nakaranas mangibang bansa, umuwi siya sa tahanang kanyang kinalakihan. Malawak, maaliwalas, mababakas ang kasaganaan. Payak na bahay ngunit nakaririwasa sa pamumuhay. Sa tokador makikita ang mga larawan, kuha ng paglaki at ng mga magagandang alaala - tanda ng mahusay na pagpanday sa buhay. Hindi nagkulang ang kanyang magulang sa pagpapalaki, sa pagpapangaral, sa pagpapaliwanag kung paanong lumaban, makipagtunggali at mahalin ang buhay.

Dito niya napiling mabuhay; ngayon kasama ng kanyang asawa’t anak. Nais niyang palakihin ang anak gaya ng pagpapalaki ng kanyang ina. Nais niyang iparanas ang pagmamahal at ulitin ang masaya niyang alaala.

Subalit ang buhay na ninais niya ay iba sa kanyang kinahaharap. Sadyang walang dalawang buhay na maaaring maging isa. Siya at ang kanyang anak ay hindi magkatulad. Tama, iisa ang pinagmulan subalit mag-iiba ng landas.

Hindi matitiyak ng bahay na iyon ang katiwasayan ng kanyang pamilya gaya ng kanyang kinagisnan.

Bahay lang iyon, hindi iyon ang tahanan. Sa iisang bahay na iyon, may ibang tahanang pilit sinasalba. Pilit man niyang gayahin ang pagmamahal ng kanyang ina sa ama, hindi niya matulad sa kanilang pagsasama. Kung saan nagkulang, hindi niya rin alam. Hinahanap niya sa opisina, sa kaibigan, sa anak subalit hindi niya matukoy ang sagot. Inakala niyang nakita niya ang sagot sa puso ng iba. Madalas, paulit-ulit, oo nga’t mali. Maaaring sa tingin ng iba ay kasalanan subalit hindi nakakakita ang pusong nangungulila sa pagmamahal. Binabalot ito ng hapdi, masakit ang makatagpo ng pag-ibig sa hindi tamang tao lalo pa’t parehong nakatali na sa kani-kanilang pamilya. Masakit na biro ang pagtagpuin ang dalawang pusong bagamat nakatali ay nangungulila sa pagmamahal.

Ang dating tahanang iyon na bukas sa pag-uusap, sa masayang kwentuhan ay naging bilangguan. Nawalan ng komunikasyon, tila sa pag-aasawa niya sinarhan ang pagbubukas ng puso sa magulang.

Ang kwadro sa dingding, larawang pinagmamasdan na ngayo’y dinaraanan, hindi na nakakakuha ng sulyap ng mga mata sa mga naninirahan doon. Ngayo’y nakaririnig, pilit inuunawa ang bulong, ang kahulugan ng paghikbi. Sa kabila ng dingding na iyon nagtatago ang damdamin. Bumubulalas ang luha, tinatangay ang lalim ng emosyon, kagat labing pilit inilalabas ang sakit ng nararamdaman. walang nakaririnig maliban sa mga dingding at sa larawang nagtatangkang magpaliwanag ng buhay.

Ang sakit na iyon ay hindi nagmumula sa mga nabitawang salita ni hindi sa konsyensya o husga ng iba. Mas lalong hindi dahil may nasaktan kang anak, asawa, magulang, kaibigang nadamay o pamilya ng iba. Nagmula ang sakit sa pagkakabatid na nagmamahal ka subalit hindi ka malayang mahalin siya - na tila walang saysay ang pag-ibig na nararamdaman lalo pa’t pinili niyang talikuran ang nilikha ninyong tahanan.

Kung kailan titigil ang pagtangis, kung kailan hindi na makararamdam ng sakit at kung kailan ka makahaharap sa salamin ng hindi mo hinuhusgahan ang sarili, hindi madaling masabi.

Gayunman, titigil din ang pagluha, tatahan din pagdaramdam at ang puso ay sadyang makahahanap ng tahanan.

Iiyak mo lang, may mag-aabot ng braso sa’yo, hindi man pag-ibig ang alok, makararanas ka ng pagtahan. Isama mo ang lahat ng iyan sa pagbuhos ng ulan. Matapos niyon, mahuhugasan ang sakit at gigisingin ka ng sariwang daigdig. Bagong tahanan.

h1

Itim na Lobo

June 17, 2008

Sa harap ng simbahan, isang batang ayta ang nakatingin sa bawat batang naglalakad kasama ng kanilang mga magulang. Nagkalat roon ang mga nagtitinda ng mga sorbetes, manyika at lobo. Upang makakuha ng atensyon ang nagtitinda ng lobo na may iba’t-ibang kulay, nagpapalipad ito ng lobo, sa gayon ay nasisiyahan ang mga bata at pinipilit ang kanilang magulang na bumili.

Isang puting lobo ang una niyang pinakawalan, lumipad ito ng mataas, pinagmasdan iyon ng batang ayta.

Sa pagdaan ng masasayang pamilya patungo sa simbahan ay isa na namang dilaw na lobo ang kanyang pinakawalan at muli itong sinundan ng tingin ng batang ayta.

Sa ikatlong pagkakataon ay nagpakawala ang lalaki ng pulang lobo upang makatawag ng parating na mga bata.

Nang wala ng nagdaraan ay nilapitan ng batang ayta ang nagtitinda ng lobo.

“Kung pakakawalan po ba ninyo ang itim na loob, sintaas ba ng lipad nito ang mga naunang lobo?”

Napangiti ang tindero, pinawalaan ang itim na lobo, hinaplos ang ulo ng bata at saka nagwika

“Lilipad ito sintaas o higit pa sa mga naunang lobo dahil ang paglipad nito ay wala sa kanyang kulay, lumilipad ito dahil sa kung anong mayroon sa kanyang loob.”

Napangiti ang bata.

- sariling salin mula sa aklat ni Anthony De Mello, The Heart of the Enlightened

h1

what is love?

June 2, 2008

Merong isang bahagi ng sarili na hindi mo kayang kontrolin. Hindi ito tungkol sa mga involuntary muscles natin. Tungkol ito sa sitwasyon ng buhay mo na hindi mo maipaliwanag kung bakit nagaganap.

Tinuruan tayo sa paaralan na ang tao may talino at kakayahang pumili, pinalaki tayo na para bang kasalanan ang magkamali. Para bang wala tayong lisensya na maging tanga dahil daw may utak tayo.

Pero kahit sabihin na rational being tayo at merong faculty dito sa atin na kayang magpaliwanag mula sa maliit na bagay gaya ng mga micro organism hanggang sa pagtuklas ng iba pang buhay sa ibang planeta, may isang bagay na walang sagot at siyentipikong paliwanag - ito yung hinihinging paliwanag kung ano yung nararamdaman mo sa t’wing nakikita mo siya, yun bang kabog ng dibdib at distraction, yung isang bagay na sumisira sa diskarte mo, sa composition o yung isang bagay na nasa loob mo na parang may sariling buhay - uncontrollable.

Amazing mainlove di ba? Para kang may ibang katauhan - hindi mo alam kung saan galing, basta nararamdaman mo na lang. At sasabihin ng isip mo na ito ang dapat gawin pero madalas mas sinusunod mo siya. Pag nagkataon, inaasa mo na sa puso mo ang mga mangyayari, at sa halip na takot ay mas naeexcite ka pa.

Siguro nga, sa mundo na puro matatalino ang nakakasalamuha mo, sa kaabalahan nating maghanap ng sagot sa lahat ng bagay, napapagod tayo at nagiging interesado o di kaya’y nasasabik sa mga pagkakataon na gaya nito - ang mapunta sa isang sitwasyon na walang kasagutan. Hinahayaan natin ang puso natin ang gumawa ng sarili niyang diskarte - aminin mo na kahit ayaw mo, unti-unti hinahayaan mo siya, sinisilip mo kung ano ang implikasyon pero pinapakawalan mo parin ng dahan-dahan. Para kang batang lumulusong sa dagat; unti-unti. Tinatanya mo ang temperatura, ang lalim kahit binabawalan ka ng magulang mo. Kasi curious ka kung saan ka dadalhin ng nararamdaman mo.

Tulad ngayon, napapatango ka o di kaya ay napapangiti, hindi dahil natutuklasan mo na ang binabasa mo ay isang sagot sa misteryong yan kundi dahil may nararamdaman ka, parang tibok ng puso, parang isang bahagi na naman ng pagkatao mo na hindi mo makontrol, parang may ibang tao sa loob mo na nakauunawa sa sinasabi ko.

Totoo, masarap sa simula at may pag-ibig na talagang masarap hanggang wakas. Pero may pag-ibig na masakit sa simula pa lang, maraming hadlang pero gusto mong ituloy - dahil may nadidiskubre ka, hindi lang sa nararamdaman mo kundi sa pagkatao mo.

Hindi dahil masakit ang pag-ibig na yan ay mali na ang kahulugan. Hindi lahat ng masakit ay mali at hindi lahat ng yan ay kasalanan gaya rin naman na hindi lahat ng maayos na pagsasama ay katumbas ng tama.

Ang pag-ibig, kanino mo man naramdaman, sabihin man nila na para sa iyo o di kaya naman ay maling ipagpatuloy - pag-ibig pa rin iyan.

Ang pag-ibig gaya ng lagi kong sinasabi ay mabuti. Nasaktan ka man o nakasakit - may mabuti itong naidulot sa iyo. May mabuti kang natutunan. At madalas, nagiging mabuti tayo dahil sa pag-ibig.

Laging nariyan ang pag-ibig. Nasa iyo yan kung iiwas ka, kung hahayaan mong balutin ka ng takot. Pero ano nga kaya ang kinalabasan kung sakaling hinayaan mo ang puso mo, at ano ang naging resulta naman nung hinayaan mo ang takot na mamayani - kung hinayaan mong ang isip mo ang nasunod? Choice mo rin ‘yan. Malamang ipapaliwanag sa iyo ng isip mo at bibigyan niya ng dahilan ang resulta ng kanyang desisyon - dyan magaling ang isip, ang maghanap ng sagot kahit hindi buo ang pakiramdam mo, kahit minsan, kahit ikaw ay hindi kumbinsido.

Sa mga umibig at nakararanas ng pag-aalinlangan sa pag-ibig,

walang mahahanap na sagot kung tama o mali, walang librong magsasabi ng dapat gawin, lalong walang paaralan na may kurikulum sa tamang pagmamahal - kasi lahat tayo, ano man ang IQ natin, may hangganan ang kasagutan. Pero lahat tayo, binigyan ng pusong walang hanggan kung magmahal. Pusong hindi napapagod at kayang pumasan kahit gaano kabigat o kahit gaano kasakit. Sa faculty ng pagmamahal, hindi uso ang sukatan ng kagalingan - pero dito, nasusukat ang pagkatao na siya namang hindi kayang ipaliwanag ng isip.

Paano mo nasabing mabuti siya? Hindi dahil sa nagawa niya o nakamit niya, nasabi mong mabuti siya dahil naramdaman mo iyon.

Ang pag-ibig kahit anong sakit, sa dulo mapapatango ka, makakatayo ka at masasabi mo na - no regrets, at least nagmahal ako.

Iyon ang kaibahan ng pag-ibig -lagi itong nakahahanap ng kabutihan.

Dahil ang pag-ibig - mabuti.

h1

chowking

May 29, 2008

Hindi ko dati pinapansin ang chowking

isang pangkaraniwang kainan na hindi para sa’kin

hanggang sa tumatak sa isip ko ang patalastas

at hindi na mawala oras-oras

Nanay, nanay dont you cry

sa allowance ko pwede pang mabuhay…

tinikman ko, kinagat at nilasap

hinanap ang taglay na sarap.

Ang chowking,

may kung anung lambing.

Anu kayang pinakain

anong sangkap ang pinatikim?

Kung kailan hinanap-hanap

saka tinangay ng pangarap

ng pangako ng Japan

sa kanya tumahan

lasa’y naiba

nang mawala ka

kumakaing mag-isa

lahat ay naiwan sa alaala

Tila halohalong nanlamig

singkulay ng pag-ibig

sa simula’y may pula, dilaw at puti

pagkahalo’y ube ang namayani

kulay man ay may kalungkutan

lasa’y nagpapaalala ng pagmamahalan

sintamis at sinlamig

gaya ng iyong pag-ibig.

Sa chowking,

naaalala ka.

h1

Ano ang kahulugan ng Pag-ulan?

May 27, 2008

Maglalabing isang taon ako noon nang mabalitaan kong namatay ang nanay ng kaibigan ko - sakit sa puso daw. Kaya pala ilang araw na siyang nawala. Pinuntahan namin siya - malayu-layo sa kanilang tinitirhan, naroon nakatanghod sa sulok. Iba ang kanyang mukha, hindi gaya ng dati na masayahin. Alam kong nagluluksa siya, masayahin at malikot siyang kaibigan. Panay lundag, takbo at kwento, pero hindi sa mga sandaling ito. Naroon ang tito niya, nagkukwento, binibida ang kababalaghan kung pa’no siya nakarating sa sulok na iyon. Kung paanong natunton niya ang pinaghihimlayan ng kanyang kapatid, sinundan niya lang daw ang amoy ng sampagita. Pinagmamasdan ko ang kaibigan ko, waring isang matandang nag-iisip.

Makalipas ang ilang araw, bumubuhos ang malakas na ulan. Pauwi ako galing sa klase. Alas dos ng hapon ng matanaw ko ang kaibigan ko, nakasilong sa may tindahan. Kinamusta ko siya. Maikling sagot lang ang nawika niya, lumipat na raw sila ng bahay. Doon  na sila nakatira sa pinagburulan ng kanyang ina. Kaya pala hindi ko siya madalas makita. Palakas ng palakas ang buhos ng ulan, at nakita ko ang takot sa kanyang mata sa layo ng kanyang susuungin. Wala siyang payong at pihadong mababasa ang bag niya.

Kumaripas ako ng takbo pauwi. Napagalitan ako dahil nagpabasa daw ako sa ulan. Tuloy-tuloy ang sita ng aking nanay samantalang abala ako sa paghahanap ng payong upang ipahiram sa kaibigan ko. Sa wakas ay nakita ko ang isa pang payong, maliit na kulay pula. Pwede na ito, nawika ko sa sarili, agad akong tinanong kung saan ko dadalhin ang payong at sinabi kong ipapahiram ko sa kaibigan ko. Alam ko ba daw kung saan iyon nakatira, baka daw hindi na maisauli, hindi daw pinupulot ang payong at sa dami ng tango ko na waring nakikinig ay nakalabas din ako.

Malakas ang buhos ng ulan. Humahangos ako ng matapat sa tindahan subalit wala siya. Sinubukan kong abutin ng tanaw ang paligid marahil lumipat lang ng masisilungan sapagkat malakas na ang anggi ngunit hindi ko siya makita. Tumakbo ako patungong kanto, pagbabakasaling mahabol ang kaibigan ko, nabigo ako.

bumubuhos ang ulan, palakas ng palakas.

Iyon ang huli kong kita sa kanya.

h1

istranghero

May 24, 2008

Gigising ako sa umaga, kakain, tatakbo at makikipag-agawan sa taxi. T’wing umaga, parang patintero, iba’t-ibang mukha, lahat sila, lahat ng nakikita at nakakasalubong ko; ano man ang ayos, suot o itsura… pare-pareho sila - mga ordinaryong tao gaya ko na ginagawa ang aming trabaho, ang mga nakasanayan na namin, ang comfort. Lululan kami sa mga silid o cubicle at doon tatakbo ang buong magdamag. Sa silid na iyon binubuno ang buhay, kumikita at natututo. Hanggang sa hindi na namamalayan ang pagtakbo ng oras at ang pagkakataon ay nauna na sa ikot ng orasang nakakabit sa corkboard - nagdidikta, nakabantay sa maghapon - ang panahon, sumuko na sa routine ng buhay ko.

Summer outing, isa na namang routine ng kumpanya - pagkakataon para sa magkakatrabaho na magkausap, magkasiyahan at magkakilanlanan. Inisan at pikunan. Ito ang panahon na para sa ilan ay plastikan time.

At eto ka, isang istranghero…

sa alok na beer, kinilala natin ang isa’t-isa.

pumatak ang beer sa pulbos na dagat at nanuot patungo sa natutulog na tubig hanggang sa nalasing ang dagat.

Dumampi ang tubig na yaon sa ating mga paa, nag-utos na tayo’y sumayaw sa musika ng agos at hampas nito, sumisipol ang hanging nagpakilig sa atin, at ang mga bitwing may malumbay na liwanag, ngayo’y waring mga kwitis na nag-ilaw sa kalawakan ng langit, at tayo’y binububungan ng pag-ibig.

Yaon ang pinakamahabang gabi - malalim, nahimbing ang pagal nating katawan na sinanay sa lungsod ng trabaho.

Sa iisang kumot natin natagpuan ang mga katawang nakahanap ng kalinga,

napanatag ang puso - waring nakahanap ng kakilala

sa istranghero.

at aalis ang bus

babalik sa dati

sa nakasanayan

ngunit hindi ang buhay

na nakaranas ng pag-ibig.

Papasok upang makita ka

ang segundo’y sasabay sa tibok ng dibdib

ang silid ay may kung anong ihip

may bango, may lamyos ang ngiti,

saka matututunang

ang istrangherong dati’y di pinapansin,

na naglalakbay sa opisina

ay may tahanan nang inuuwian.

h1

the week that was

May 18, 2008

Smart Connection

Bihira akong makipag away sa CSR dahil alam kong araw-araw ay nakakatanggap sila ng reklamo at ayoko ng dumagdag kaso hindi ako nakapagpigil ng malaman kong binabayaran ko pala ang internet connection na hindi ko naman nagagamit.

Mga 2 weeks ago ay sinubukan kong gamitin ang cellphone ko na naka 3G para makapag-internet. Sobrang bagal kasi ng PLDT DSL namin sa bahay; ang teorya 1. madalas ay sabay kaming magkapatid gumamit, 2. maraming gumagamit pag gabi 3. mahaba ang linya ko dahil nasa kwarto ako at 4. Php300++ lang naman kasi ang binabayaran namin so ano aasahan mo sa murang promo.

Nang ginamit ko ang smart phone ko as my modem, nakapag internet ako with 400+ kbps, not bad. Actually mabilis ang connection. Kaso after a day, bumagsak ito ng 112kbps at hindi na makaconnect. Kaya naman refresh, restart ako ng pc at on and off ako ng cell phone. Makailang ulit ito nangyari at paulit ulit ko itong ginagawa. Tsambahan na ngayon makaconnect.

Php10 per 30 minutes ang charging, mura ito kesa mag internet sa labas. Kaso nang sabihin sa akin na may charge kahit 112kbps kahit hindi ko magamit e nag panting na ang tenga ko. Nakailang ulit ako mag disconnect para subukan kung sa susunod na connection ay 400kbps na. In short kada subok ko ay Php10. Anak ng pating, mukhang libo aabutin ng bill ko. Sa init ng ulo ko ay pinaqualify ko kung ano ang kahulugan ng successful connection, sabi niya basta daw maconnect kahit 112kbps. At pinarealize ko sa kanya na hindi nga successful ang 112kbps kasi hindi ako makaconnect sa mga site. Inulit niyang itanong kung kelan ito nagsimula kaya tinaasan ko na siya ng boses at tinanong ko kung nakikinig ba siya sa complaint ko. Hinold nya ko for 2-3 minutes, aalamin daw niya ang sagot at pagbalik niya ay wala rin siyang bagong masabi maliban sa baka daw kasi congested dahil gabi, i try ko daw sa umaga mag internet at baka mahina ang signal ko. May gulay, pinagbawalan pa ako mag internet sa gabi!

Nawala ang init ng ulo ko kaya hindi ko na siya tinaasan ng boses. Diskarte rin siguro na i hold ka for 3 minutes at makinig sa music nila na pampakalma hehehe. Narealize ko na wala siyang kasalanan. Alam kong naging harsh ako sa CSR, pero syempre, sino ba ang una naming daingan kapag may ganitong problema - sila. Kaya I’m sure sanay na sila. In fairness naman sa kanya, hindi nagbago ang boses niya at nagpakaprofessional siya unlike dun sa PLDT CSR na kumakalat sa internet na nagmurahan at nag-iyakan. hehehehe.

Fitness First

Nabanggit ko na sa mga nakaraang blog na medyo nag gain ako ng weight sa work at lumaki ang tyan ko. Nakailang balik din ako sa Asian Hospital para ipacheck kung may problema at sabi nga ni Dok - beerbelly lang. Para magkaidea kayo kung gaano siya kalaki, minsan umuwi ako at ng makita ako ng pamangkin ko na 3 years old, hinalikan niya ang tummy ko at tinatanong nya ako ng “baby inside?”

What!?

Unti-unti ay naiilang din ako magdiscuss ng Professional Image Enhancement - integrated kasi sa Sales Funnel discussion sa mga attendees namin dahil sa laki ng tyan ko, parang ako muna ang nangangailangan ng enhancement.

So ang solution ay mag gym!

Nagsimulang akong mag Fitness First noong May 7 and so far nakaka 7 visits na ko. Target ko na lumiit ang tyan ko sa loob ng apat na buwan. Mahaba-habang panahon para magdiet at magwork out. 4 times a week and 1 hour per session with my personal trainer. Para akong bumalik sa masteral study na naghahabol ng klase from work, kaso ang subject PE. Iniisip ko nga minsan, bakit ko ba ‘to ginagawa. Kailangan kong magbayad para pagpawisan at pahirapan ang sarili. Unang Linggo, hindi ko maigalaw ang mga braso ko sa dami ng mga exercises na kailangan daw makasanayan ng katawan ko. Sa bagay, investment naman talaga ang health. Hindi ko maipakita ng laki ng tyan ko dahil nakakahiya, ipapakita ko na lang after 4 months ang result!


Social Gap

Sa twing papasok ako sa umaga at mapapadaan sa FTI Taguig, makikita ko ang haba ng pila sa NFA para bumili ng bigas. Huli kong nakita ang ganito kahabang pila noong 1989 - panahon ni Cory Aquino. Naghihirap nga ba ang Pilipinas? Kung naghihirap man o hindi gaya ng sinasabi ng ilan, na ito ay diskarte upang may maikubling usapin at maitago sa publiko, nakakalungkot isipin na ang unang nagiging biktima at kasangkapan ay ang mahihirap.

Sa opisina, May 15 - sunod-sunod ang text at tawag dahil nagkakagulo daw sa isa naming site. Open for selling na kasi ang isang midrise building na 2.7 million ang pinakamura. Nagkakagulo dahil nag-uunahan ang mga seller upang makapagpareserve dahil may mga client sila. Pagkatapos ng araw na iyon, ubos ang mga units facing amenities, in short more than half of the inventory ay naubos in just one day. Ito ang pinipilahan sa amin - ang property worth 2.7 million pesos and above while sa FTI pinipilahan ang bigas worth Php17 - 18 per kilo! Buti na lang diet ako at hindi ko kailangang pumila para sa bigas.

h1

Daydream

May 11, 2008

Nakatitig ako sa monitor, hindi, ang totoo nakatitig ako sa’yo. Sa’yong alaala, hindi ko alam pero nagmarka sya dito sa isip ko, hindi siya makawala - ang totoo, nakulong siya sa puso ko, naiwan siya noong mahigpit kitang niyakap. Hindi na nakawala, naiwan ka dito.

Paano ko malilimutan ang araw na yun? Hawak ko ang kamay mo, pinayagan mo kong haplusin ang malalambot mong palad at nakipaglaro naman ang iyong mga daliri. Naglaro ang mga daliring iyon patungo sa iyong braso, nakiliti ka, hindi tayo nagsasalita nasundan iyon ng pagyakap ko sa’yo. Mainit, matagal ayaw nating kumawala sa init na yon na pumapatay sa lamig ng silid. Hawak ko ang pisngi mo, tinatandaan ng mga mata ko ang bawat sulok ng iyong mukha, hinalikan kita sa noo, sa pisngi at lalong naglagablab ang gabi sa mainit nating halik. Nakilala kita sa iyong halik. Alam kong ikaw ‘yon,  sa mga halik na iyon pumayapa ang puso ko… sinasabi ng halik na yon na ikaw ang matagal ko ng hinahanap,na ito ang araw na nagkatagpo ang dalawang pusong pagod na sa paghahanap, ng mga pusong muntik ng mawalan ng pag-asa, muntik ng hindi maniwala sa tadhana.

At ang mga halik, lalong lumalim, pumulupot at dumiin hanggang sa namalayan nating isa na lang tayo. Ang halik, ang yakap, ang higpit ng mga braso ang nagpatuloy sa akin sa iyong pagkatao. Tinanggap mo ko ng anong higpit, inangkin natin ang isa’t-isa, may kung anong hinanap at natagpuan ang mga sariling naghahabol ng mga hininga. Ng iisang hiningang pinagdugtong, waring iisa ang hibla ng ating buhay.

Hinawi ko ang iyong buhok, muling pinagmasdan, dinampi ang iyong pisngi, sinukat, kinikilala pagkat alam kong mula ngayon, kikilalanin natin ang isa’t-isa. Mula ngayon magkakasama tayo.

Hindi ka makawala sa isip ko, salamat sa unang gabi at sa mga susunod pa - asahan mong gagawin nating ang bawat sandali ay tulad ng mga unang araw - ang ating honeymoon.

h1

Ploning

May 1, 2008

Napadpad ako sa mall para panoorin ang pelikulang 2 linggo ko nang inaabangan. Ewan ko ba kung bakit ako masyadong naintriga sa pelikulang ito at dahil huli na ng malaman ko na exclusive for SM malls pala ito, dali-dali akong tumakbo mula Ayala Mall patungong megamall para habulin ang last full show ng first day nito.

Hindi naman ako nabigo, sa halip nalunod ako sa panonood.

Gaya ng mga karakter sa pelikula, makikita mo na lang ang sarili mong bahagi nito; naiintriga kay Ploning. Mararanasan mo ang paghahanap sa kanyang pagkatao, gusto mong mabihag ang mailap nyang damdamin at unawin hindi lang ang kanyang isinasaisip bagkus ang tinitibok ng kanyang puso.

Hanggang sa unti-unting mabunyag ang nilalaman nito. Hindi maikakaila na ang lahat ng naroroon sa sinehan ay naapektuhan sa kani-kanilang reaksyon. Maririnig mo ang mga katagang Oh My God! Ang mga pagsinghot at mga pagpunas ng mata. Mapapansin mo na lang na mamasa-masa na ng luha ang mga matang kanina lamang ay bukas na bukas sa kasabikan at nahahalina sa ganda ng Cuyo.

Sino nga ba si Ploning? Isa siyang simpleng babae na may makapangyarihang pagkatao na pilit sinusundan, inaalam at nilalapitan upang hingan ng lakas. Sa kanyang katahimikan natagpuan ng kanyang mga kababayan ang kani-kanilang sarili. Sa kabila ng katahimikang ito ang misteryong maghuhubad sa kanyang pinanggagalingan. Sa huli, mas lalo siyang hahangaan sa dakila niyang puso.

Walang hindi maaapektuhan pagkat lahat ay nakaranas ng pag-ibig. Iba’t-ibang anyo ng pag-ibig. Sa kaibigan, pamilya at kasintahan.

Hindi rin matatawaran ang husay ng mga nagsipagganap. Unang hahangaan ang batang Digo na hindi ko kilala, at ngayon ko lang siya nakita. Napakagaling ng Direktor upang mahugot ang gayong emosyon sa batang ito. Gayundin ang kanyang kuya at ang binatang Digo. Sila na wala pang puhunan kundi ang galing sa pag-arte.

Gayundin, masasabing ang pelikulang ito ay sadyang para sa sining sa pagkakaroon ng mga artistang gaya nila Tessie Tomas, Gina Pareno, Mylene Dizon, Eugene Domingo, Tony Mabesa, Ces Quesada, Ketsup, at Meryl Soriano. Hindi ko alam ang pangalan subalit mahusay rin si Tsuy at syempre pa, ang pagganap ni Judy Ann Santos na masasabing naglagay na ng kanyang pangalan sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino dahil sa obrang ito. Kung aalalahanin siya sa kanyang mga nagawa, ito ang pelikulang maiuugnay sa kanya
at naghanap ng kanyang landas sa espasyo ng entablado.

May mga eksenang hindi makakawala sa iyong alaala kahit nakauwi ka na.

Ang pakikipagsayaw ni Judy Ann sa lalaking nabigo sa pag-ibig.

Ang pagtuturo ng kuya ni Digo kay Digo na lumangoy upang maging ganap na Cuyonon

Ang pagtatanong ng batang si Digo kung kailan mamamatay ang kanyang ina at pagluha ng kanyang ina habang kumakain.

Ang bugtungan sa buhay ng apat na babae (Ces, Mylene, Judy Ann at Meryll) habang kinukuha ang buto ng kasoy.

Ang pagbubukas ng puso ni Celesta kay Ploning at pagtalakay nito sa kahalagahan ng palayaw.

Ang pagsasayaw ng mang-ama (Tony at Judy Ann - walang pusong hindi kikirot).

Ang pag-abot ng larawan ni Digo kay Celine (Tessie Tomas)

Ang pagbuhos ng ulan at pagkalusaw ng mga asin - madadala ka sa emosyon ni Gina Pareno, isang eksenang tama lang na ibinigay sa kanya sapagkat mahusay niyang binuksan ang pelikula sa tinatagong lihim nito,

Ang misteryo ng puting damit sa paghahatid sa huling hantungan ng ama ni Ploning.

At ang pamamaalam ni Digo kay Tsuy.

Ang pagkakatagpo ni Digo sa kanyang kuya

Sa kabuuan, ang panonood ng pelikulang ito ay isang karanasan na waring iniwan ka sa isang isla at nakisabay sa paghahanap; isang paglalakbay sa sarili kasabay ng pelikula hanggang sa unti-unti mong matagpuan ang hiwaga ng buhay, ang ganda ng daigdig gaya ng Cuyo at ang kapangyarihan ng Pag-ibig.

h1

Second Anniversary

April 28, 2008

Magdadalawang taon na rin ako sa trabaho, breakthrough yun. Maraming nagsabi na hindi ako magtatagal sa corporate world dahil nga NGO worker ako dati pero ang totoo, nag-eenjoy ako sa trabaho. Sa dalawang taon na yun, ang laki ng pinagbago ko, bukod sa maturity sa work, dito ako tumanda. Nagbago ng anyo ng katawan, tumaba, in short. Hayaan nyo namang i-share ko ang compilation ng mga pictures ko mula 2006.

Hep hep hep, moderated na ang comment kaya walang makapanlalait. lol.

h1

Perlas

April 21, 2008

Matamang inaaninag ng buwan ang malalim na karagatan

sinusuyod ng malamlam na liwanag ang kanyang sinapupunan

tahimik, walang galaw, waring may ikinukubling sakit

at sa kanyang pagtangis, haharap sa kalawakang nagsusumamo ng pag-ibig.

Walang bulong na hindi makararating sa buwan,

walang pusong hindi niya mauunawaan,

sa taghoy na iyo’y magniningas at sasalok siya ng lakas

hanggang sa buong pwersang pagagalawin ang dagat.

Kikilos, hahampas, gigisingan niya ang damdaming

nahimlay sa lumbay nang matagal na pag-asam;

ng kasiyahan, ng pansin, ng pinapangarap niyang pag-ibig.

Anu’t ang sinapupuna’y matatampisaw,

matapos mahagkan ng lakas ng buwan

luluha’t magluluwal; hanggang sa sisirin ang kanyang yaman.

Malalakas na alo’y hudyat ng pagsilang

at lalapitan ng mga maybuhay

hanggang sa ang dagat na nagkauhay ay muling sidlan ng tuwa;

mula sa dalangin, mula sa pag-angkin

bunga ng pagtangkilik at pagsiping

hatid ng hangin

ang dalangin

sa liwanag

ang dagat,

sa pagsuyo ng buwan.

h1

Singapore : the magic is there

April 15, 2008

After ng mahabang kalbaryo ng pananakit ng tyan at pabalik balik sa Asian Hospital para sa check up, isang naiibang karanasan na naman ang gusto kong ibahagi.

Kababalik ko lang mula sa Singapore para sa limang araw na trabaho. Medyo kabado dahil nga first trip abroad at the same time, business trip so may expectations.

Ang totoo, kahit medyo distracted at first, sinubukan kong maging relaxed. In fact sa sobrang seize the moment attitude ko, late ako sa check-in time namin. Hmmm, 2 director lang naman ang kasama ko. tsk. tsk. tsk. Buti na lang, beating the redlight ako. hehehe

Ibang experience ang Singapore sa kabuuan ng trip ko. Weird pero sunod-sunod ang lucky experiences ko.

luck 1. from fiesta, na upgrade kami sa business class papunta dun. Sarap!

luck 2. kahit nakaroaming ang ga cellphone ko, may nag-offer ng sim card na ready and registered na!

luck 3.nang mag top up ako (magpaload), sabi ng pinay na tindera ay scratch ko daw ang card kasi may raffle, at tsa–nan– nanalo ako ng electric kettle. Pero since matagal daw i claim yun at aabutin ng ilang araw, binigay ko na lang sa tindera.

luck 4.Papunta sa esplanade, kailangan ko pa lang bumili ng card (ezlink) para sa kanilang mrt, at dahil nasa machine na ako, pipila na naman ako sa ibang booth na bilihan pero hindi nangyari yun dahil may isang mabait na Pilipina na hindi nagpakilala ang nagtanong kung may card ako, sabi ko wala, kaya inabot niya ang isa pa nyang card sabay alis, ni hindi nga ata nya narining ang thank you ko. Mabuhay ang mga Pilipino sa Singapore!

luck 5. Pauwi, kabado sa bigat ng bag ko - syanga, 22.5 kgs ang maleta ko, but since 2.5 kgs lang naman ang sobra, nakuha sa charm.

Isang modern city ang Singapore. Malinis at mapuno, eco-friendly sila. Hindi ka rin maninibago dahil kahit saan ka lumingon, maraming Pinoy. Madaling makakuha ng trabaho rito, according sa mga kaibigan ko na nagtatrabaho na roon. Maliit lang ang bansang ‘to kaya hindi pwedeng ikumpara sa Pilipinas. Mas malaki ang populasyon, iba ang karanasan at lalong iba ang circumstances natin kaya hindi comparable ang dalawang bansa na ito.

Pogi Points ng Singapore :
1. Malinis
2. May customer service
3. Nagsusukli up to the last centavo
4. On time kahit pa taxi service
5. Mura ang gadget, ang 60k worth na laptop, makukuha mo doon sa 40K lang
6. Mararamdaman mo ang dignidad ng trabaho sa kikitain mo (ayon sa ilang kaibigan)

not so pogi about Singapore.
wala naman masyado maliban sa ilan;
1. medyo may hindi magandang amoy (sa mrt - wala naman magagawa na dun dahil iba-ibang nationality)
2. wala akong mapanood na movie sa cable.
3. Gadget lang ang mura pero mahal ang cost of living lalo na ang bahay.
4. into modernization, parang walang touch ng culture, ng preservation o sadyang wala nga silang history hehehe. (am not good in history, kaya ganito comment ko)
5. weird manamit angmga tao - very anime! Hala, tiri na tirik ang araw naka coat, at pito kulay ng buhok! High School students yun ah.
6. Sobrang anghang ng pagkain!
7. Mahal ng tsinelas (hahaha)

Kodakan - memories

Masarap magpresent sa mga Pinoy dito, no ego trip, mga bata at mukhang may disposisyon sa buhay (mukha lang hehehe)

Wala kong cam na dala hehehe kaya wala ako maipakitang picture. Salamat na lang at sinamahan ako ni Mark para ikutin nung Linggo ang Singapore. Gamit ang kanyang nokia phone, sinubukan naming gawan ng documentary ang Singapore - abangan!

Nag enjoy ako sa sentosa - syempre napanganga at bumalik sa pagkabata habang pinapanood ang songs of the sea. Mala walt disney sa tubig!

Enjoy rin ang china town. Sarap mamili.

Enjoy ang makita ang mga dating classmate na unti-unti ay nakahahanap ng espasyo sa maliit na lungsod ng Singapore.

Pinaka enjoy yung marinig ang ilang kwento ng buhay, survival stories, at dynamics lalo na ng mga Pinoy.

Sa huli, ang pinaka orgasm ng byahe na ‘to ay yung maramdaman mo na you earned 1 curriculum because of the experiences. Salamat kay Ms. CDY!

h1

Ingat!

March 28, 2008

Sabi ng tarot card, kailangan kong magpacheck up.

Bakit po?

Basta, magpacheck-up ka.

Huh? Mamamatay na po ba ako?

Hindi ako Diyos para pangunahan kung ano ang kagustuhan niya?

Grrrr… sa linyang yun, para ngang mamatay na ako at may malubha akong karamdaman. Hindi ba’t pinangunahan na nga niya ang Diyos sa pagsasabi na magpacheck up ako. Amf! (pahiram ng expression Princy)

Every after alcohol (yung iniinom), may humahapdi na parang gumuguhit sa left side ko. Minsan naman, mabigat pati sa pagwiwi.

OMG! Kailangan kong magpacheck.

Takbo sa Asian. (salamat sa medcard)

First Day

Taxi… Taxi…. Taxi…

San kayo?

Asian

Naku po traffic dun, Malayo, walang pasahero pabalik (20X times)

Taxi

(acting. sakay agad) sir dalin nyo po ako sa Ospital, sa Asian, masakit na po talaga

Sir Traffic po dun, mahirap kumuha ng sakay pabalik

Masakit na po talaga ang tiyan ko, baka pwedeng ihatid nyo na ako.

Naku po bumaba na kyo, lalo pong sasakit yan, matatagalan pa kayo. hindi ko kayo maihahatid. Traffic dun

Taxi

Kakaiinom siguro yan, nung kabataan ko ganyan din ako, buti na lang umiinom ako ng sabaw ng buko, ayun nawala agad. (UTI?)

Andyan ba si Doc?

Sir, 10:00AM pa lang, 2 PM pa po sked niya. balik na lang po kayo.

ATC - 11:00 AM pa magbubukas

SM Las Pinas - Lunch, net… net… you tube… friendster….

12:50 - watch movie, My Big Love

after 1 hour, kailangan ko ng bumalik, so di ko natapos. hanggang sa naghiwalay na si toni at Sam dahil pupunta sa Japan si Toni at sa Ilocos naman si Sam

Taxi pabalik

Text

Sir, take your time, 3:30 PM pa babalik si Doc.

Nakamp*cha, sayang ang My Big Love!

Ano bang nararamdaman mo

Sumasakit po ang tiyan ko blah blah blah

Twing kelan sumasakit?

Madalas po kapag nakakainom, minsan pag busog. Lumalaki nga po ang tyan ko.

Pinatayo, pinahiga, kinapa ang tiyan.

Masakit ba? (kapa sa tiyan sa likod sa tagiliran)

Hindi po

Mukha namang wala kang sakit.

Bakit po lumalaki ang tyan ko?

Malaki ba? Hindi naman. Beerbelly lang yan.

Ganun po?

Para makasiguro tayo, sige, pacheck ka ng stool at urine.

Laboratory

Sir may dala na po ba kayo?

Wala pa.

Eto yung container, balik po kayo, lagyan nyo muna, hanggang dito po dapat ang content.

Babalik pa ko?

Opo, wala po kasi kayong dala.

Pwede bang ngayon na lang?

Ganun? Kaya nyo po ba?

Saan ba CR nyo?

Dyan po.

Okay sige para di sayang oras.

10 minutes

Eto na po

Dyan nyo na lang po ilagay. ipatong nyo na lang.

Suplado ah. ayaw pang hawakan e nashoot ko naman ng tama.

Second Day

Doc, kamusta po result

Negative. Walang problema sa urine at stool.

Huh? as in wala?

sa liver kaya? o kidney?

Liver, sa right yan, sabi mo naman sa left sumasakit, okay naman ihi mo kaya di yan kidney, kung dyan sumasakit sa area na yan, colon area yan.

dub-dub, dub-dub, dub-dub

May problema po ako sa colon?

Tingnan natin. Isa pang test. Medyo mahirap at masakit ang proseso nito pero gawin na rin natin.

Barium Enema

Ano po ito?

Check natin ang bituka mo. X ray yan. Kilala rin sa tawag na labatiba!

HUwaaaat!?

Radiology

Balik po kayo sa Friday, 2 days ang preparation. All Liquid diet. Para malinis ang bituka. Kung ano lang ang nasa reseta, yan lang ang ilalagay nyo sa tubig.

Third Day

Cashier

(namumutla sa gutom. umiikot ang mata)

Sir kanina pa kayo dapat

Syensya na traffic

Punta po kayo sa cashier

Sir expired na po, dapat 3 days lang to

E ang sabi pwede na daw kasi naparegister ko agad yan

Pero sana po dinala nyo agad sa min. Kung gusto nyo iparedate nyo na lang po. Balik kayo sa taas para maredate yan.

Maaga pa po. Hindi pa kami nag eentertain. mamaya pa kaming alas dos.

Bka pwedeng pakiusapan kasi naka isked ako ngayong 8 am, may kasunod ba na aasikasuhin yung tech.

Pasyensya na talaga, gusto nyo hintayin nyo yung isang coordinator, sa baba po yun.

E kayo po ba saan company kayo?

Maaga lang po ako pumasok pero mamaya pa talaga ako so hindi ko kayo maaasikaso (sabay harap sa pc)

Report sa Card Customer Service

Paano po to ayaw akong asikasuhin nung staff nyo dito, maaga lang daw syang pumasok, e hindi naman pwedeng paghintayin to dahil 2 days ang preparation nito. kailangan magawa na ngayon ang examination… yung babaeng maitim,… hindi ko alam pangalan niya, basta yung hindi maganda…. wala siyang customer service, gusto nyo siya kausapin niyo, hindi ako babalik sa kanya para makipag-usap…… e wala rin yung isang staff dito, late daw…. Anong oras pa siya darating? Ay hindi pwede, hindi ko na mahihintay yun, gawan niyo ng paraan (magbiro ka na sa lasing wag lang sa gutom na hindi pa nakakakain)

Cashier

Okay na po sir, tumawag na sila pwede na nating iprocess

RadTech

i x-ray po muna namin kayo. paghindi maganda ang preparation nyo, uulit kayo

Hindi ako ulit kakain?

Ganun nga po.

Okay po ang preparation so tuloy po tayo. medyo uncomfortable lang po, may ipapasok lang po kami sa inyo. hinga lang po sa bibig, medyo masakit po. kailangan lang nating maipasok ito sa bituka at saka natin i x-ray

Doc

explain. explain. explain

Pagpasok Waaaaaahhhh !!!OMG! (8 times na ikot ng mata, may kasamang mga bitwing umiikot sa ulo) Patay na ba ako?

Itaas po ang kamay, ilagay sa ulo, itagilid ang paa

parang pictorial lang sabay tatak ng BFAD sa katawan.

Mas masakit po ito. Lalagyan natin ng hangin. Parang kabag po ang pakiramdam

Waaaaaahhh ubo ubo ubo

Okay na po. Tihaya po ulit. Tagalid. Talikod. Angat ang braso. Ilagay sa ulo.

Okay na po. Medyo na po kayong mag CR

4th Day

Ano pong ibig sabihin ng redundant sigmoid and transverse colon

dub-dub, dub-dub, dub-dub, dub-dub pabilis ng pabilis

ah, may kahabaan ng konti ang colon pero normal lang yan for some. Negative ang result so wala talaga kayong sakit. Pwede nating sabihin na irritable bowel syndrome lang yan. Baka may nakakain kayo na hindi kayo hiyang so iregulate nyo. Alamin nyo kung saan o ano ang kinakaain nyo bago nyo maramdaman yan

Tapos po, pag alam ko na ang cause?

E di iregulate nyo na ang pagkain nun. Ganun lang naman yun.

Ganun?

Meron ka pa bang sasabihin o nararamdaman

E doc, panay ang sakit ng batok ko. High Blood ata ako.

Kelan ka ba huling nakaramdam niyan

kumain po ako ng 12 quail eggs in less than 10 minutes tapos sumakit na ang ulo ko.

Kumain ka lang nun sumakit na? Nag pa BP ka ba

Hindi po, pero sumakit talaga, nahihilo ako at hindi nga ako nakapasok the next day (actually pumasok ako - drama lang)

check ang BP

E maganda naman ah, 110 over 70. Alam mo, stress lang yan. Head ache lang. Napapagod ka kasi siguro sa pagharap sa computer, dapat kasi tama ang level ng monitor.

Ganun? So bakit po sumasakit ang batok ko ngayon

Masyado ka lang stress. Tensionado ka e. Relax lang. Pamassage kapaminsan minsan sa leeg. Tapos sa ulo.

So wala ako iinumin kahit anong gamot?

Headache lang yan. Kahit paracetamol okay na

Paracetamol?

Oo, o kaya Biogesic. Sa twing sasakit yan, take ka lang ng biogesic ha.

Ah ok. So wala naman pala akong sakit so okay na. Done na tayo.

Okay sige. Ingat

AMF!

- ang maniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili!

h1

People Power

March 2, 2008

Pagkatapos ng 7 taon mula ng Edsa 2, tila ayaw ng bumalik ng tao sa Edsa. May People Power Fatigue na daw ang tao. Sawa na sa paulit-ulit na pagpapalit ng pinuno at nahihiya na sa mundo.

Ako rin, makailang ulit nang tinanong kung kailan ako sasama sa mga malilit na pagtitipon o kaya naman pilit kinukuha ang aking opinyon. Pabiro ko namang sinasabi na masama sa negosyo ang pagbabago. Status quo na lang.

Hindi ako burguoise at wala akong negosyo, wala lang talaga akong maisip na dahilan. Pero alam ko rin na hindi maaaring mawalan ako ng paninindigan, gaya nga ng sinabi ni Martin Luther King Jr. “The hottest place in Hell is reserved for those who remain neutral in times of great moral conflict.”

Nais ko ituwid ang ilang mga persepsyon na sa tingin ko ay hindi totoo: hindi ako naniniwala na may People Power Fatigue. Sa tingin ko ay ipinapakalat at inimbento lang ito ng mga taong nakinabang na sa People Power at natatakot na matanggal ng isa pang People Power. Sa bansang gaya natin, walang hari at reyna na magsasalita at paniniwalaan kung sakaling ang pamahalaan ay nagkukulang maliban sa tao. Tayo ang pinakamakapangyarihan sa bansang ito at tayo ang magsasabi kung nararapat na nga bang palitan ang nanunungkulan. Totoong may proseso ng eleksyon at may proseso ng pag-aalis ng pangulo subalit ang mga ito ay kinakailangang gawin kung ang mga institusyong nagsasagawa nito ay may kredibilidad pa. Sa atin, ilang ulit na nga bang nadawit ang Comelec at Kongreso sa kontrobersya. Sa wari ko ay wala na tayong aasahan sa kanila.

Arroyo : The World will not Forgive another People Power.

Sobrang kompyansa sa sarili at iniisip niyang kakatigan siya ng mundo. Minsang kinampihan ng Amerika si Marcos pera wala silang nagawa sa isang People Power. Natitiyak kong mas hahanga ang mundo sa kakayahan nating magpaalis ng pangulong may mataas na pinag-aralan at kinikilala sa ibang bansa sapagkat para sa atin, hindi lang ang kahusayan at pinag-aralan ang basehan ng mabuting panunungkulan bagkus kasama rito ang kredibilidad na nagmumula sa matinong pamumuno; walang bahid ng pandaraya at korupsyon.

Unti-unti ay binubulag tayo ng mga propaganda ng pag-unlad mula sa iba’t-ibang datos at estadistika, subalit ang sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang ang mga ito bagkus kasama ang edukasyon, kapayapaan, kalagayan ng pulitika at pananaw ng mga tao. Dito matitiyak natin na tao mismo ang magsasabing hindi ganap na umuunlad ang bansa. Habang nananatiling nanunungkulan ang mga nasa pamahalaan, mapapansing unti-unting nasisira ang kredibilidad ng iba’t-ibang institusyon, nawawalan ng pagpapahalaga ang mga tao sa mga ahensya nito. Nakakalungkot na nawawalan tayo ng tiwala sa mga pulis, sundalo, mambabatas, mamamahayag, simbahan at ilan pang nasa pamahalaan sapagkat ito ang diskarte ng pamahalaan. Ang wasakin o hatiin ang mga ito upang walang buong grupo ang makapagsasama-sama at mapanatili silang matatag.

Hindi ako sumasama sa mga kilos protesta sapagkat alam kong may mga pulitikong magsasalita rito, silang mga naging bahagi rin ng korupsyon. Sila lang ang dahilan at hindi ang pagtitiwala ko sa lakas ng tao o ng People Power. Maaaring totoo si Jun Lozada, at ilan pang gaya niya na naglakas loob na magsalita, pero hindi sana sila magamit ng iilan. Mabuti na lamang at inaalalayan sila ng simbahan - gaya nila Fr. Broderick Pabillo. Sa kanila ako mas nagtitiwala.

Sana ay magkaroon ng mga taong haharap at magsisimula ng pababago na hindi kakikitaan ng personal na interes gaya nila Governor (Fr.) Eddie Panlilio, Corazon Aquino, ilang miyembro ng civil society. Ilang mga bagong mukha na may malinis na pangalan at tanging hangad ay pagbabago.

Hindi hawak ni Gloria Macapagal Arroyo at mga tao niya ang kaunlaran ng bansa. Hindi nangangahulugang ang pagtutuwid ng mga pagkakamali ay makasasama sa ekonomiya. Ang pagsasabi ng tama at pagnanais na maituwid ay mas makabubuti. Sa ngayon, mas nakatatawang isipin at nakahihiyang aminin na binabalot tayo at hinuhusgahan ng mundo sa pag-aakala nating ang pangulo lang ang makapagdadala sa atin sa kaunlaran. Masyado na nating minamaliit ang ating kakayahan.

Sa mga nagtatanong kung sino ang ipapalit kay GMA, kung susundin ang batas, ang ikalawang pangulo - bilang paggalang na rin sa labinlimang milyong bumoto sa kanya. Unang-una, hindi naman ang ipapalit sa pangulo ang isyu, ang unang isyu ay kung bakit kinakailangang alisin ang pangulo. Kung nagugutom ang sanggol, hindi mo pakakanin ito ng panis na gatas kung may tubig naman. Mas makabubuti ang pansamantalang lunas kesa sa walang lunas. Sundan ng paghahanap ng alternatibo - mas mahabang proseso at usapin iyon na nangangailangan ng pag-aaral at pagsisiyasat sa mga naisa-institusyonal na paraan ng korupsyon.

Malawakang pagbabago ang kinakailangan - totoong hindi lang ang pag-aalis sa pangulo. Subalit ang natitiyak ko rito, sa pag-aalis ng pangulo, kasamang matatanggal ang mga tao niyang mas nakikinabang sa pera ng pamahalaan.

Sa huli, kung sakaling hindi gumagalaw ang People Power, natitiyak kong ang pinakamalakas na kapangyarihan ay nasa itaas. Anumang panahon, ang lakas ng nasa itaas ay magaganap sapagkat hindi Siya namimili ng anak, panahon at mamamayang tinutulungan - anuman o sinuman ang kanilang pinaniniwalaan.

Hanggang sa susunod na pagtatagpo - sa Edsa, Mendiola o Ayala.

h1

halik

February 22, 2008

Simpleng aral ang tinuro sa akin, ang halik sa kamay, tanda raw ng paggalang. Kapag sa noo, pagkalinga naman. Kung sa pisngi, magkapalagayang-loob na kayo, sa madaling salita, itinuturing mo na siyang hindi iba. Pero ang halik sa labi, hindi daw maaaring kung kani-kanino lang. Dapat ay para sa mahal mo lang.

Habang nagbibinata, iniisip ko na makapangyarihan ang halik. Sagrado ito. Nakikilala nito ang wagas na pag-ibig. Gaya ng kwento, ang palaka ay nagiging prinsipe kung wagas ang pag-iibigan. Ito kahulugan ng halik sa labi.

Totoo nga, makapangyarihan ang halik.

Ang totoo, hindi ko nasunod ang mga magulang ko. Nakailang relasyon na rin naman ako, sigurong hindi ka maniniwala kung sasabihin kong hindi pa ko nakakahalik sa labi. Actually, lahat sila, may mga sovenir na halik mula sa akin.

Nakilala ko ang halik sa una kong kasintahan. Nakakatakot, nakakakaba. Yun bang nagkakahiyaan pa kayo. Gusto ko siyang halikan, nakatitig ako sa mata niya, pagkatapos ay sumusulyap sa labi niya, pagkatapos ay titingin ulit sa mata niya na para bang nagpapaalam. Magkaklase kami. Nakatambay kami noon sa bahay nila para sa isang project - at siyanga! Nabuo ang aming project - ang una kong halik.

Naging kami matapos ang halik na iyon. Matamis nga ang unang halik. Nagkahiyaan kami, para bang binuhusan siya ng malamig na tubig pagkatapos noon. Pero nung niyakap ko na siya, nawala ang lamig at nakaramdam siya ng kaginhawan. Para bang sinasabi nitong tama ang ginawa namin.

Nasundan pa ang halik na iyon. Hanggang sa ng magkahiwalay kami, halik rin ang tumapos nito. Isang halik ng pamamaalam. Halik na nagsasabing okay lang kami, na sport lang. Walang bitterness. Pero sa mga salita lang yun. Pagkatapos nun, humagulgol ako sa iyak.

Ta*ginang halik yan. Nakakapraning.

Pagkatapos noon, hindi na big deal ang halik sa akin. Lahat na ata ng klase ng halik nagawa ko. Totoo, may lasa ang bawat halik. Nakikilala mo ang isang tao kung paano siya humalik. Nalalaman mo kung ano ang iniisip niya, kung ano ang nararamdaman niya. Hindi man aminin pero sasabihin nito kung ano ang nasa puso niya.

May halik na malambing. Masaya yun, yun bang ipinaparamdam niya kung gaano ka niya kamahal. Yun bang pinupugpog ka ng halik.

May halik na mabilis, madalas pag paalis na siya o nagmamadali. Okay rin lang, atleast ipinapaalala niya sayo na kahit may hinahabol siya, bitbit niya ang puso mo.

May halik na nananabik. Yun bang sa simula, madiin agad. Malikot ang mga labi at magalaw ang mga dila. May kung anong hinahanap, saka pag bumigay na siya, magkakapalagayang-loob. Parang magbubuhol at magkakakilanlanan. Mauuwi kayo sa kama, tiyak yan!

May halik na basta mailapat lang. Halik na kailangan niyong gawin sa harap ng ibang tao, sa harap ng kaibigan niyo, halik kahit may di kayo pinagkasunduan - kahit nagkakainisan pa kayo.

May halik rin na libog lang. Alam mong may pupuntahan.

Minsan nahuli ako ng ex ko dahil sa halik. May iba. Basta ramdam niya agad na yung halik na yun ay kasinungalingan. Kinabahan ako pagkadampi. Alam kong may bistado niya ko - at siya ngang tunay! Kalaboso ako sa daan habang dinudurog niya ko sa kahihiyan sa harap ng maraming tao.

Ilang halik rin ang hindi ko malilimutan. Yung halik noong muli kaming nagkabalikan. Mas matimyas at mas malalim. Halik na may papapatawad.

Siyempre, masarap ang halik matapos naming gawin iyon. Yung ano- alam mo na. Pagpapaalala na mahal namin ang isat-isa. Na ginagawa namin iyon dahil may nararadaman kami. Pinag-iisa namin ang aming mga sarili.

Isang halik rin ang nagpabago sa amin, ito yung halik kung saan kami sumumpa na magsasama bilang mag-asawa. Ito yung halik na hindi lang ekspresyon ng pagmamahal bagkus pagsumpa sa lahat ng naroroon na hindi na kami hahalik sa iba! Harinawa.

h1

Bangkang Papel

February 18, 2008

Sa tuwing uulan, sa halip na matulog upang namnamin ang lamig ng paligid, kasabay ng paghehele ng tigatik ng ulang tila uyaying mabilis magpahimbing, agad akong tatakbo kay itay.

Pupunit siya ng kaputol na piraso ng dyaryo, tutupiin hanggang sa magpantay ang bawat gilid. Tiklop, tupi, tiklop tupi at sa isang iglap, mayroon na akong bangkang papel.

Sa bahagyang pagtila ng ulan, lalabas ako at tatapat sa bintana, doon ko sisimulang paglakbayin ang bangkang papel. Hihipan ko siya upang makapagsimula sa paglalayag, Susundan ko ang noo’y pinakamahal kong laruan, iiwas sa mga alulod upang di madurog sa pagbuhos ng naipong ulan.

Malayang-malaya ang bangkang papel. Kinakaya niya ang malakas na agos ng tubig, kaya niyang magpasikot-sikot sa daang binungkal ng ulan. Kung mapapadausdos at sasayad sa makapal na lupa, muli ko itong hihipan. Ako at ang bangkang papel. Binubuhay ko ang bangka sa ihip samantalang pinaliligalig niya ako sa kasiyahang nararating nya ang landas patungo sa mas malawak na dagat.

Ang hininga ko ang bumubuhay sa barkong ito. Hindi lang kamay, hindi rin ang malinaw na mga mata, bagkus alam kong ang bawat paghinga ko ang nagpapaandar sa dambuhalang sasakyang pandagat na ito. Bilang kapitan ng barko, hininga ko ang katumbas ng bawat landas na dapat naming marating. Ang bawat pasahero’y may kani-kanilang daungan, pananagutan kong dalhin sila sa kanilang mga tahanan.

Pauwi na rin ako. Sa wakas ay ako naman ihahatid ng barkong ito. Marami-raming pangarap na rin naman ang natupad nito, kasabay ng pangarap ko.

Gaya ng bangkang papel na nagpagiling-giling sa makikipot na landas, nasuyod ko ang buong mundo. Nakita ko ang iba’t-ibang tanawing sa larawan lang ng ilan nakikita.

Naipangako ko sa mag-ina ko na sila naman ang dadalhin ko sa pinakamagagandang lugar sa mundo. Ipinangako naman ng anak ko na siya ang maghahatid sa amin.

Ako ang nagturo sa anak ko na lumikha ng eroplanong papel. Sa mga pagtupi at pagtiklop na iyon, naabot niya ang mas mataas na pangarap. Ang makapagpalipad ng eroplano. Mula sa kalawakan, namamasdan niya ang payapa kong pagguhit sa dagat.
Pareho naming inabot ang mundo; ako mula sa dagat at siya mula sa kalawakan. Sa pagitan namin, ang panalanging ibinubulong sa hangin ng asawa ko na siyang umaalalay sa anak na nasa himpapawid at asawang nasa karagatan upang alalayan at balutin kaming mag-ama ng kaligtasan at mapayang paglalakbay.

h1

Pagpapalaya

February 14, 2008

Para sa inang naulila sa kaisa-isang anak, walang lalalim pa sa galit at hinanakit na naiwan sa kanyang puso. Lumalatay sa kanyang alaala ang mga sandaling unti-unting panghihina ng anak, pagkaubos ng luha at pagkawalan ng pag-asa.

Sa silid na iyon kung saan niya pinaghele, inaruga at tinuruan hanggang sa maging isang ganap na dalaga, nasaksihan niya ang pinakamasakit na kabanata sa kanyang buhay - ang maabutan ang isang anak na nagkitil ng buhay.

Leo, hindi kita kailanman tatawagin na Fr. Leo, patawaran ako ng Diyos pero sasabihin ko sa’yo na hindi ka nararapat dito. Wala kang karapatan na mapabiling sa mga alagad ng simbahan. Ikaw pa rin ang naging dahilan ng pagkamatay ng anak ko. Naiintindihan mo ba ‘yon? Naiintindihan mo ba na namatay si Tess dahil sa’yo?

Nakaya ni Leong tanggapin ang masasakit na salita, ni hindi niya na ipinagtanggol ang sarili. Wala siyang nakikitang dahilan upang gawin pa iyon subalit sa loob-loob niya, wala rin siyang nakikitang dahilan para magalit sa sarili.

Sa mahabang panahong naglingkod si Leo sa simbahan, naging mabuti siyang pari. Paminsan-minsan ay sumasagi sa isip niya ang trahedya ng kanyang pag-ibig subalit ipinapasa-Diyos na lang niya ang lahat.

Matapos ang pag-uusap na iyon ay nagpasya ang mga magulang ni Tess na mangibang bansa. Napagtanto niyang ang sulat na natanggap niya noon ay isang suicide letter na ipinadala na lang ng ina nito matapos mabatid kung saan siya naroroon.

Makulimlim ang paligid, may bahagyang lamig na pumapasok sa kanyang silid, katatapos lang ang pagbuhos ng ulan at mamasa-masa pa ang lupa, kinuha ni Leo ang maliit na kahon sa kanyang ulunan at binuksan. Dito naihimlay ang mga alaala ng kanyang kabataan. Sa muling pagsulyap sa kahon, nakita niya roon ang huling sulat ni Tess, ang tulang iyon na naghihintay ng sagot - ng pagpapalaya.

Sa pagpikit ng kanyang mata - dinala siya sa kanyang kabataan, sa kanyang paboritong tambayan, sa kanilang paaralan hanggang sa makarating doon sa dati nilang tagpuan. Tuyo na ang mga dahon, natitigang ang lupa at may kadiliman gawa ng makapal na ulap. Sa upuang bato na nasa tabi ng mga nakahilerang puno niya natanaw ang isang babaeng nakatanaw sa malayo. Naroon nakaupo si Tess.

Nagmamadali siyang lumapit kay Tess, hindi ito kumikibo.

Tess, alam kong naiintindihan mo ako. Naging mabuti ako sa’yo pati na sa pamilya mo. Hindi ko ginustong saktan ka pero Tess, may dahilan ang Diyos sa lahat ng nangyayari sa atin. Pinili kong malingkod sa kanya hindi upang saktan ka kundi upang paglingkuran Siya.

Hindi natitinag si Tess. Nakaupo pa rin at nakatanaw sa malayo na tila nawalan ng bait.

Patawarin mo ako Tess. Patawarin mo ako kung nagkamali ako sa desisyon ko, kung hindi ako nagpaliwanag, kung hindi ako nagpakatao sa’yo. Mahal kita Tess at alam kong hindi ako naging karapat-dapat sa pagmamahal na iyon. Patawarin mo ako kung nasaktan kita at patawarin ako ng Diyos kung nasaktan ko ang mga taong nagmamahal sa’yo. Alam kong malaki ang idinulot na iyon sa buhay mo, sa buhay ninyo.

Unti-unting humarap si Tess sa kanya, walang kibong tumulo ang luha sa kanyang mata hanggang sa mapalitan ng kaginhawaan ang babaeng tigib ng dusa. Lumiwanag ang palagid sa paglayo ng makapal na ulap. Tumayo si Tess at naglakad papalayo. Naiwan doon si Leo.

Tinanaw niyang papalayo si Tess. Walang salitang iniwan. Walang bakas kung napatawad siya nito maliban sa pagliwanag ng paligid.

Nang hindi na maabot ng kanyang tanaw si Tess, naupo siya at muling pinagmasdan ang kanilang tagpuan. Bumalik ang ganda nito, ang halimuyak ng bulaklak, ang hanging dumadampi sa kanila at ang masasayang mga ibong noon ay kapiling nilang naglalaro. Tila bumalik sa pagkabata, may kasiyahan sa kanyang mukha. Naroroon ang sigla subalit di gaya ng dati, wala roon si Tess.

Tumayo siya at iniwan ang tagpuan. Nagpasya siyang lumakad papalayo gaya ng isang batang iniwan ng magulang, gaya ng dati, hinanap niya ang daan kung saan siya makasusumpong ng kaligayahan.

h1

Walang Hanggang Pag-ibig

February 13, 2008

Forgive me father for i have sinned.

What are your sins,

I only have one, that is when i fell in love with a man

what made you say that it is a sin, falling in love is not a sin…

He’s now a priest and I still love him.

Nagising ako, sayang at nagising ako. Alam ko si Tess yun. Naaalala niya pa rin siguro ako.

Siguro naman nakapag-asawa na siya. Im sure nakatagpo siya ng lalaking magmamahal sa kanya.

Makapananghalian ay isang sulat ang dumating. Sulat kamay ito ni Tess.

Sumpa ng Pag-ibig
Namumukhaan mo ba ako?hawakan mo itong pisngi,
sukatin mo yaring labi.ako ito.

‘Wag mong lagpasan ng tingin,

alalahanin mo ang sandaling kita’y kapiling.

Pakiramdaman itong init ng yakap,

san ka nanggaling?

Hinanap kita, maniwala ka

sariwa pa ang sugat sa ‘king alaala

kung paanong nagising ka isang umaga’t

kinalimutan ang magagandang sandali,

nilimot ang mga pangako ng walang hanggan.

Hindi ba’t sinabi mong tayo’y nakatadhana,

hiningi natin sa Maykapal na basbasan itong pag-ibig.

Nakatitig ka sa aking mata,

sinabi mong natatanaw mo ang walang hanggan.

Hindi tamang iwan mo ako sa kawalan.

Naririnig mo ba?

Sumumpa tayo sa isa’t-isa,

naririto ako, nag-aabang, nagbabalik, naghihintay,

pansinin mo, alalahanin mo ang titig ko, ang pangako mo

ipikit mo ang iyong mata, pakinggan ang mga katagang binitawan mo,

mga katagang bumuhay sa akin.

Mahal kita. Ikaw ang buhay ko.

Gayunman, kung sakaling makaalala at di na manariwa ang dating samahan,

tapatin ako’t palayain.

Muling ibulong sa hangin at kalasin

sabihing ako’y di na iyo’t wala ng pagtingin.

Nang sa gayo’y mahanap ko ang daan patungo sa akin

at matantong ang walang hangga’y nagwawakas

sa oras na putulin mo ang landas.

 

Laking pagtataka at pagkabahala. Sinundan niya ang address na pinanggalingan ng sulat.

Paanong ang sulat na ito ay nagmula sa isang simbahan. Walang ni anong bahay maliban sa simbahan. Address ito ng isang lumang simbahan.

Imposible. Nagmadre kaya siya?

Nanalangin siya, taimtim at nagtirik ng kandila. Lumapit siya sa altar at doon tumitig ng matagal. Pilit niyang inuunawa ang sa isip niya’y tila kababalaghan. Patungo na sana sa opisina ng simbahan nang sa tabi ng simbahan ay matanaw niya ang isang lapida …

Maritess A. Gomez

Pagkakataon ba o sadyang katotohanan? Hindi ito magandang biro.

Pinagmasdan niyang maigi ang lapida at doo’y nakatitik ang kaarawan ng kanyang dating nobya.

Wala na si Tess. Patay na si Tess.

Subalit kanino nagmula ang sulat? Ano ang kinamatay niya?

Litong-lito siya ng mga oras na iyon at lalong ikinamutla niya ng mapansin ang petsa ng kamatayan - dalawang Linggo buhat nang sila’y maghiwalay.

Oh God! hindi pwede …

Humahagulgol siya habang pilit pinapagpag ang lapida. Tila may mensahe pa siyang nais mabasa. Subalit sadyang mga titik lamang ng pangalan at petsa ang nakaukit. Isang misteryo ang naiwan sa kanya na nais niyang agad malaman gaya ng misteryo na kanyang iniwan kay Tess mahabang taon na ang nakalilipas.

 

h1

Tinig

February 7, 2008

Noong bata ako, iniisip ko lagi kung ano nga ba ang gusto ko. Nakakapressure. Para bang worth 1 million pesos ang sagot sa tanong ng magulang mo : Anak, ano bang gusto mo paglaki mo? Naaalala ko pa ang mga itsura nila, lahat ng bisita ni Papa nakaabang.

Gusto k… gusto ko pong maging pari.

Natahimik lahat.

Mali ba ang sinabi ko? Sinabi ko lang ang nararamdaman ko. Noong araw na yun kasi, nakausap ko si Fr. Carreon. Sabi niya, para daw ako sa simbahan dahil mabait ako. Noong sinabi niya yun, ewan ko ba - nasiyahan ako. Parang gumaan ang loob ko.

Kumpadre, akala ko may magmamana ng kamanyakan mo. E wala palang magpapatuloy ng lahi mo. Ngayon pa lang, tapos na ang political ambition mo.

Congressman si Papa. Nang mga oras na iyon, namula siya, hinila niya ako sa isang sulok at kinausap ng masinsinan, hindi ko pa noon naiintindihan pero sinabi niya, burahin ko raw sa isip ko ang simbahan. Isipin ko raw ang makapaglingkod sa bayan. Sumunod daw ako sa yapak niya. Mas matutuwa raw sa akin ang Diyos.

Iyon ang una at huling sandali ng mga pangarap ko. Agad rin itong nabura nang ako ay mag-aral. Noong kolehiyo, kumuha ako ng public ad sa UP.

Gaya ni Papa, pinagsikapan kong makapaglingkod sa bayan. Masasabi kong mabuti akong politician. Lagi nga akong number 1 mula sa SK hanggang sa maging Konsehal. Alam nang lahat na ako ang susunod sa yapak ng Papa ko. Ako ang susunod na magiging Gobernador ng aming lalawigan.

Bukod sa pulitika, si Tess ang naging mundo ko. Dito ko na siya nakilala sa UP. Mahinhin, matalino at maalaga. Sa kanya ko nakikita ang buhay ko. Pakiramdam ko, magkarugtong ang aming buhay, naunawaan ang salitang tadhana. Suportado niya ako palagi, hindi lang siya, maging ang buong pamilya niya. Naramdaman ko sa piling niya ang pagkakaroon ng ikalawang pamilya.

Magkasama kami palagi; sinisiguro namin sa isa’t-isa na sa lahat ng masasayang sandali ng aming buhay ay magkapiling kami; gaya ng kasal ng kuya niya, noong millennium countdown at maging sa mga makasaysayang pagdaan ng mga cometa - lagi kaming nasa observatory - nakahiga sa damuhan, nakatingala, magkahawak kamay na bubulong at hihiling sa langit. Sa gayon, para naming pinagtitibay ang aming tadhana. Iginuguhit namin sa mga constellation ang aming pag-ibig.

Ginising niya ko isang umaga, magsimba daw kami. Buuin daw namin ang simbang gabi.

Kahit pupungay-pungay ang mata ay sinamahan ko siya. Masaya pala.Para kaming nasa langit! Ang mga choir, parang mga anghel na nag-aawitan. Ang lahat ay may kanya-kanyang petisyon habang sinasalubong ang Pasko.

Wala naman talaga akong wish. Ang sa akin lang ay maranasang matapos ang buong simbang gabi kapiling ang aking mahal.

Pasko noon, palitan ng regalo, tila bumalik sa pagkabata ang lahat. Hindi namin malilimutan ang sandaling iyon ng sumama si Mama at Papa papunta kila Tess. Para na raw kaming isang pamilya.

Nang gabing iyon, nasa balkonahe kami ni Tess. Mahigpit na magkayap habang binabalot ng simoy ng pasko.

Umuwi ako sa probinsiya. Doon ko kinakailangang salubungin ang bagong taon kasama ng mga kababayan ko. Naging taunang pagdiriwang na sa bayan naman ang street party. Wala si Tess, nasa bahay nila sa Quezon City. Umakyat ako sa kwarto ko nang gabing iyon. Habang nagpuputukan sa labas, tumanaw ako sa bintana at tinangay ang aking diwa ng makukulay na mga fireworks. Bumalik ako sa pagkabata. Masaya - dapat masaya ang pakiramdam, pero may kung anong kumurot sa puso ko.

Hindi muna ako umuwi sa amin. May hinanap ako. Hinanap ko ang pinagmulan ng kalungkutang iyon. Sakay ng aking motor ay tinungo ko ang dati naming tahanan malayo sa Poblacion. Napansin kong nakapinid ang lumang-lumang pinto ng aming simbahan. May kung anong humahatak sa akin, bahagyang nakapinid ang simbahan, dahan-dahan ko itong itinulak at lumagitgit ang pinto nito na nagmistulang musika sa aking tenga. Sa pagbubukas ng pintong iyo’y tila may binuksan sa aking pagkatao. Kumawala sa aking alaala ang mga panahong nasa simbahan ako - kakwentuhan si Fr. Carreon.

Binalik-balikan ko ang simbahang iyon. Naging lihim na playground ang simbahan. Masaya ako sa t’wing daraan dito. Hanggang sa dumako ako sa isang mabigat na pasya.

Nagbabalik-loob ako sa Diyos. Hindi ako nagkukubli subalit kailangan kong iwan ang lahat. Kailangan kong ituloy ang para sa aki’y isang tawag - isang bokasyon.

Nanginginig akong nakahiga sa harap ng altar habang bumabalik sa aking isip kung paano akong tumakas sa bahay nang hindi nalalaman ng aking mga magulang kung saan ako naroroon, kung paano kong kinalimutan ang pulitika at kung paano kong inilihim kay Tess ang pagpasok sa seminaryo. Masakit, gaya ng pagpako kay Kristo, habang nakatirapa ay ramdam ko ang sakit na iniwan ko kay Tess, nang iwan ko siya ng walang paliwanag, ramdam ko ang pagbaon ng pako sa aking pulso ng muling manariwa sa isip ko kung paano ko nagawang itext si Tess na wala na akong nararamdaman at hindi ko na siya mahal. Mapagmahal si Tess, alam kong mapagparaya ang kanyang pag-ibig, umaasa akong mauunawaan niya ang aking pasya.

h1

Bulong

February 4, 2008

Kilala kita. Sinusubaybayan ko ang kwento ng buhay mo. Magaan ang loob ko sa’yo. Sa isang tingin pa lang, alam kong down to earth ka. Hanga ako sa’yo dahil matatag ka. Kaya mong ihandle lahat. Napaka-cool mo.

May ilang kwento ng buhay natin na halos magkapareho. Sana tulad mo ‘ko, may sagot sa lahat ng problema.

Ilang beses na kong nagtangkang lapitan ka. Kaso nauunahaan ako ng kaba, baka kasi hindi tayo magkawavelength. Mukha kang matalino, natatakot akong matameme at hindi ko mahandle ang conversation. Simple lang kasi ako. Hindi sintalino mo.

Pero kung lalapit kaya ako, tatanggapin mo ako?

Matutulungan mo kaya ako sa mga problema ko - sa pinagdaan ko.

O baka naman alam mo na ang kwento ko - baka nabalitaan mo na. Nakakahiya pero hindi maganda. Lahat naman siguro tayo, may kanya-kanyang kwentong itinatago. Mga ikinukubling lihim.

Pero ngayon, handa na ako. Gusto ko sanang ibahagi sa’yo ang aking nakaraan. Alam ko namang maiintindihan mo ako. Sana lang ‘wag mo akong layuan. Sana samahan mo ako sa oras ng kalungkutan. Iyon ang kailangan ko ngayon. Karamay, kasama, mga kaibigang makakaintindi at taong tulad mo na tutulong sa akin.

Nasaktan ako. Sobrang nasaktan at nabigo - may kinalaman ito sa pag-ibig. Tulungan mo akong mahanap ang sarili. Payuhan mo naman ako. Tulungan mo akong maibalik ang kasiyahan, makita ang liwanag at malayo sa lumbay.

Nakamamatay ang kalungkutan.

Tandang tanda ko pa, naglalakad kami noon, katatapos lang manood ng sine. Malamig pero mas pinalamig pa nang kanyang katahimikan. Ayoko sanang basagin ang katahimikang iyon dahil natatakot ako sa kung ano ang maririnig ko sa kanya. Bago magpaalam, narinig ko rin ang kinakatakutan ko.

Wala na kami dahil may iba na siya. Taon ang binilang namin. Kasal na nga lang daw ang kulang. Napakasweet niya. Perfect partner. Gusto kong tumanda kasama siya. Hindi matatapos ang araw nang hindi kami nag-uusap o nagpapalitan ng i love you. Buo na ang aming mga pangarap at kahit ang plano sa kasal ay minsang napag-usapan na namin.

Kailangan nating maghiwalay. I’m sorry.

Yun lang. Yung lang ang sinabi niya. Hindi siya nagkalakas ng loob na sabihin ang dahilan. Umiiyak ako. Iniwan niya akong parang bata. HIndi ko alam kung ano ang nagawa ko para saktan niya ako ng ganun. Naglakad s’yang papalayo nang hindi lumilingon sa akin. At tinapos niya ang lahat sa isang text - sorry, i lost the feelings. I lost the love.

Ganun lang yun. Hindi ko alam kung panong gumising siya isang umaga na wala ng nararamdaman. Ang bilis niyang binalewala yung mga pangako niya, yung mga pangarap namin. Hindi ko alam kung pano ko ipapaliwanag sa mga kaibigan, magulang at sa lahat ng nakakakilala sa akin kung bakit kami naghiwalay.

Hindi ko alam ang gagawin ko. Ilang araw akong nagkulong sa kwarto, umiiyak. Madilim ang paligid. Naging madilim ang mundo. Sila Mama at Papa, natatakot na nun. Humahagulgol si Mama nang makapasok sa kwarto.Hindi lang ako ang nasaktan. Maraming nasaktan at maraming umiyak. Ni hindi siya bumalik o nagpaliwanag kahit kila Mama. Wala syang kwenta.

Tulungan mo akong makaganti sa kanya. Tulungan mo akong saktan siya.

Samahan mo ako.

Ayoko na ng labis na kalungkutan.

Madilim ang paligid ko. Gusto kong makita ang liwanag.

Parang awa mo na, ipaghiganti mo ako.

Narito lang ako, kasama mo.

Alam kong naririnig mo ako,

nararamdaman mo ako

Dito sa likod mo.

lumingon ka.

Parang awa mo na,

tulungan mo ako.

Saklolo.

h1

Sa Muling Pagkikita

January 30, 2008

Siguro nung pinanganak ka, umuulan. Kasi nung ako naman ang iniluwal, tirik na tirik ang araw. Mahilig ako sa gulay at puro karne ang paborito mong ulam. Simple lang ako, maporma ka. Imposibleng magkasundo tayo.

Sa simula pa lang, ramdam ko ng ayaw mo sa’kin. May isang bakanteng upuan sa tabi ko pero mas pinili mong sa likod maupo, nilagpasan mo ako. E’ ano, hindi ka kagwapuhan. Nagkataon lang na magaling kang manamit.

Tahimik ka, pero hindi nung matapos ang unang Linggo ng klase. Sunod - sunod ang pagpapakitang-gilas mo. Ang masaklap, lagi kang tama. Biglang nagpasintabi sa’kin ang mga kaklase natin, agad nilang nahalata na mainit ang dugo ko sa’yo. Sa isang iglap, nagkaroon ako ng kalaban. Hindi man pinag-uusapan pero alam nang lahat na dumating na ang katapat ko. Hindi inaasahan, nagbago ang buhay ko.

Laging mainit ang talakayan sa klase. Hindi ko alam kung sinasadya mo, pero ang totoo, sinasadya ko na maging kontra sa lahat ng pinaniniwalaan mo. Ewan ko ba, nakasanayan ko ng hanapan ka ng butas. Kinahiligan ko ng makipag-argumento sa’yo. Siguro napapansin mo rin at hindi ko namamalayan na ang lahat sa akin ay nakasentro na sa’yo.

Naunahaan mo ako sa isang debate. Sinabi mong ayaw mo sa pagpapanatili ng base militar ng Amerika sa Pilipinas, alam mong ayaw na ayaw ko sa mga Amerikano at sa kahit anong imported, pero naipit mo ako. Kinailangan kong piliin ang kabilang panig. Ipinaglaban ko ang pananatili ng base militar kahit ako mismo ay hindi kumbinsido. Sa kauna-unahang pagkakataon, idineklara akong ikalawa lang sa pwesto mo. Panalo ka sa debate. Panalo ka sa plano mong ipahiya ako.

Simula ng pagkatalong iyon, bumagsak ang loob ko. Sunod-sunod na pagkabigo. Hanggang sa magtapos tayo ng hayskul. Ikaw ang Valedictorian at Salutatorian lang ako.

Walang imikan nang magkasalubong tayo. Hawak mo ang medalya; kumakalansing, kumikinang sa aking mata, waring nagsasabing kinulang ako. Hinawakan mo ang kamay ko, sinabi mong

“salamat, masaya ako at naging kaklase kita. Para sa ating dalawa ang karangalang ito.”

May kung anong kumirot sa puso ko. Nangilid ang luha at waring nakunsyensya. Ewan ko kung bakit. Pakiramdam ko ay hinusgahan kita sa mahabang panahon. Sa mga sinabi mong iyon, nabatid kong mabuti kang tao.

“Sayang hindi na tayo magiging magkaklase, sa Amerika ako mag-aaral. Balita ko ay dito ka magpapatuloy ng kolehiyo.”

“Akala ko ay ayaw mo sa mga Amerikano,” nasambit ko na lang.